Ikatlong anibersaryo ng masaker sa Southern Tagalog, ginunita

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagmartsa tungong Department of Justice (DOJ) ang mga grupo sa karapatang-tao at demokratikong organisasyon mula sa Southern Tagalog noong Marso 7 para iprotesta ang kawalang-hustisya para sa mga biktima ng tinaguriang Bloody Sunday Massacre ng 2021. Tatlong taon na ang nakararaan mula nang koordinadong patayin ng mga sundalo at pulis ang siyam na mga aktibista sa rehiyon.

Ang mga biktima ay sina Emmanuel Asuncion, koordineytor ng Bayan-Cavite; mag-asawang Chai Lemita-Evangelista at Ariel Evangelista ng UMALPAS KA (Ugnayan ng Mamamayan Laban sa Pagwawasak ng Kalikasan at Kalupaan) sa Batangas; ang dalawang minoryang Dumagat na sina Puroy at Randy dela Cruz; mga aktibista mula sa maralitang komunidad na sina Abner at Edward Esto; at sina Michael Dasigao at Mark Bacasno. Kasabay ng masaker, walong aktibista ang iligal na inaresto.

Noong Enero 2023, ibinasura ng DOJ ang kaso laban sa 17 pulis na nagsagawa ng reyd at pumatay sa walang kalaban-laban na si Asuncion. Noong Marso ng taong iyon, ibinasura rin ng DOJ ang kaso laban sa 17 pulis na pumatay sa mag-asawang Evangelista.

Hindi lamang walang hustisya sa mga biktima, nagpapatuloy rin ang “red-tagging, iligal na pang-aaresto, at ekstrahudisyal na pamamaslang sa ilalim ng rehimeng Marcos, pagbibigay-diin ng mga raliyista.

AB: Ikatlong anibersaryo ng masaker sa Southern Tagalog, ginunita