Iligal na pamumutol ng punong kahoy ng 2nd IB, binatikos ng mga magbubukid
Kinundena ng Kilusang Magbubukid ng Masbate (KMM) ang pahirap na iligal na pamumutol ng punong kahoy ng mga sundalo ng 2nd IB sa komunidad ng mga magsasaka sa Hacienda Mortuegue-Larrazabal noong Agosto 4. Ang asyenda ay saklaw ng mga barangay ng Tubog sa Pio V. Corpuz at Tawad sa bayan ng Esperanza sa Masbate.
Ipinagpapalagay ng mga magbubukid na gagamiting ang kahoy sa pinaplanong itayo na detatsment ng militar sa Barangay Cabangrayan sa Pio V. Corpuz. Posible din umanong pagkakitaan ito ng “halimaw at magnanakaw” na mga sundalo.
Ayon sa grupo, ginagamit ng 2nd IB at panginoong maylupa ang pamumutol ng puno para itaboy at palayasin ang mga magbubukid sa Hacienda Mortuegue-Larrazabal.
“Dahan-dahang sinisindak, winawasak ang kabuhayan at nilulusaw ang paninindigan ng mga magsasaka upang mapresyur sila,” pahayag ng KMM.
Noong Enero 29, sinalakay na ng mga elemento ng militar at CAFGU, sa pangunguna ng isang Sgt. Ramos, ang mga komunidad sa naturang hasyenda. Sinaktan, ninakawan, at tinakot ng mga berdugo ang mga residente, kabilang ang ilang mga senior citizen sa araw na iyon.
Ayon sa KMM, naipaglaban ng mga magsasaka sa Hacienda Mortuegue-Larrazabal ang kanilang karapatan sa lupa. Sa walang tigil na pagkilos ng iba’t ibang henerasyon ng mga magsasaka sa naturang asyenda ay matagumpay nila itong makamit.
Ilang dekadang nagdusa ang ilang henerasyon ng magsasaka sa pagbabayad ng upa sa ilalim ng mapagsamantalang 50-50 na hatian sa ani na sinisingil ng pamilyang Mortuegue-Larrazabal.
Liban dito, napilitan silang gumawa ng paraan para makapagtanim sa mababatong erya sa asyenda dahil ginagamit na rantso ng panginoong maylupa ang eryang taniman sana nila.
Mas malupit, ang lupa ay inuupahan lamang din ng mga Mortuegue-Larrazabal sa bisa ng mga “pasture lease agreement” na pinasok nito.
“Ang tampalasang pagputol ng malalaking punong kahoy sa naturang asyenda ay lantarang pagyurak sa karapatan at mahabang kasaysayan ng pakikibaka ng mga magsasaka para sa naturang lupa,” pahayag pa ng KMM.
Nanawagan ang grupo ng mga magbubukid sa mga magsasaka at residente sa naturang asyenda na magkaisa at biguin ang terorismong militar. Iginiit naman nito sa Department of Agrarian Reform-Masbate at lokal na gubyerno na protektahan ang mga magbubukid at kanilang karapatan sa lupa sa asyenda.
“Dapat sariwain ng mga magsasaka sa Hacienda Mortuegue-Larrazabal ang kasaysayan ng kanilang pakikibaka para sa lupa bilang inspirasyon upang patuloy itong ipagtanggol laban sa mga tangkang muling agawin ang lupang dapat sa kanila,” pagtatapos ng KMM.