Imbestigasyon ng ICC kay Duterte, maaring tapos na
Pinaniniwalaang tapos na ang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa mga kasong krimen laban sa sangkatauhan ng dating pangulong Rodrigo Duterte. Ibig sabihin, maaari na itong maglabas ng mandamyento de aresto anumang oras sa hinaharap.
Ito ang paniniwala ni dating Rep. Neri Colmenares, sang-ayon sa ibinunyag ng kapwa niya abugado na si Atty. Kristi Conti at ng dating senador na si Antonio Trillanes. Bago pa nito, umugong na ang balitang tahimik na pumasok sa Pilipinas noong nakaraang taon ang mga imbestigador ng korte para kapanayamin ang susing mga saksi sa kaso. Hindi ipinaalam ang kanilang presensya sa gubyerno ni Ferdinand Marcos Jr dahil dati na itong nagpahayag na hindi ito makikipagtulungan sa ICC. Ayon kay Trillanes, halos tapos na rin ang imbestigasyon sa sekundaryong mga personalidad na pinangalanan ng korte. Kabilang sa mga ito ang bise presidente na si Sara Duterte.
Nagpahayag ng kawalang-alam ang Department of Justice sa presensya ng mga imbestigador. Gayunpaman, nagbukas ang kagawaran noong nakaraang taon para “makinig” sa resolusyong inihapag sa Kongreso para imbestigahan ang hurisdiksyon ng ICC sa bansa. Lubos itong ikinagalit ng dating presidente at kanyang mga kasapakat.
“Sang-ayon ako (kay Trillanes) dahil malakas ang ebidensya at ilang taon na ring gumugulong ang imbestigasyon,” ani Colmenares ngayong araw, Enero 10. “Naniniwala kaming malakas ang kaso at malinaw na kailangang mayroong mananagot.”
Sina Colmenares at Conti ay parehong mga abugado ng mga pamilyang nagsampa ng kaso sa ICC.