58 katao, pinatay sa “gera kontra-droga” ng rehimeng Marcos sa 2024

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Pumapasok na sa ikasiyam na taon ang huwad na gera kontra droga ng reaksyunaryong estado na sinimulan ng rehimeng Duterte at ipinagpatuloy ng rehimeng Marcos. Sa unang dalawang buwan ng 2024, nakapagtala na ng 58 “drug-related” killing ang Dahas PH, ang proyektong pinangungunahan ng University of the Philippines Third World Studies Center para idokumento ang mga biktima ng gerang ito.

Itinuturing ng proyekto na “drug-related” ang pamamaslang kung napatay ang biktima sa operasyong “kontra-droga” ng pulis, ibinalitang sangkot sa iligal na pagbebenta ng droga, ibinalitang nakuhanan ng iligal na droga, sinabing may kaugnayan sa ibang inbididwal na sangkot sa pagbebenta ng iligal na droga, o pinatay ng mga personalidad o indibidwal na sangkot sa pagbebenta ng iligal na droga.

Alinsunod sa pananaliksik nito, muling bumwelo ang mga pamamaslang na “drug-related” mula nang maupo si Ferdinand Marcos Jr. Bagamat mataas ang bilang sa panahon ng rehimeng Duterte, pababa na ang padron ng pamamaslang mula sa kasagsagan nito noong 2017 sa ilalim ng pamumuno ni Ronald “Bato” de la Rosa. Noong 2022, halimbawa, nakapagtala ang Dahas PH ng 175 pamamaslang sa unang anim na buwan ni Marcos (Hulyo-Disyembre), mas mataas nang 26 kumpara sa 149 pamamaslang sa huling anim na buwan ng rehimeng Duterte (Enero-Hunyo 2022). Sa sumunod na taon, tumaas pa ang bilang ng mga biktima, mula 324 noong 2022 tungong 331 para sa 2023.

Pinakamarami sa mga insidente ng pamamaslang ay naganap sa Davao City, ang syudad na pinamumugaran ng dinastiyang Duterte. Kasalukuyang meyor ng syudad si Sebastian Duterte, pangatlo sa kilalang anak ni Rodrigo Duterte.

Sa unang taon ng mas batang Duterte sa poder (Hulyo 2022-Hulyo 2023), umabot sa 53 ang drug-related na pamamaslang sa syudad, o isa kada linggo. (Kasunod ang Cebu kung saan 44 ang pinaslang at Metro Manila na may 41 na kaso.) Mga pwersa ng pulis ang salarin sa lahat ng mga insidente, liban sa isang kaso, sa Davao City. Pinakamarami sa mga pamamaslang ay ginawa sa sa Poblacion District, na nakapailalim naman sa kongresistang panganay na si Paolo Duterte.

AB: 58 katao, pinatay sa "gera kontra-droga" ng rehimeng Marcos sa 2024