Balita

Inaresto na dating bilanggong pulitikal at kasama sa Capiz, natunton na

Dalawang araw mula nang arestuhin ng mga pwersa ng estado, natunton na ngayong araw ng Panay Alliance Karapatan ang kinaroroonan ng 62-anyos na tagapagtaguyod ng karapatan ng mga magsasaka na si Cirila Estrada at Victor Pelayo, 54, sa kulungan ng Philippine National Police (PNP) sa Roxas City, Capiz. Ang dalawa ay sinampahan ng mga kasong kriminal.

Sina Estrada at Pelayo ay inaresto at hindi kaagad inilitaw ng mga yunit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at PNP-Criminal Investigation and Detection Group sa bayan ng Pan-ay noong Agosto 29. Labis na ikinabahala ng kanilang mga kaanak at grupo sa karapatang-tao ang kanilang pagkawala nang halos dalawang araw.

Kumakaharap si Pelayo ng kasong pagpatay na isinampa noon pang 2004. Kasama niya sa kasong ito ang kanyang kapatid na nauna nang ibinasura ng prosekyutor. Si Estrada naman, na dati nang nakulong noong 2010 hanggang 2012, ay kinasuhan ng illegal possession of firearms and explosives.

Para sa Panay Alliance Karapatan, ang mga kasong isinampa sa kanila ay pawang gawa-gawa. Karaniwan itong taktika ng mga pwersa ng estado laban sa mga aktibista, progresibo at tagapagtaguyod ng karapatang-tao para patahimikin sila.

“Ang mga aktibista at manggagawang pangkaunlaran na kabilang sa mga organisasyong biktima ng red-tagging ay naging madalas na target ng gawa-gawang mga kasong isinasampa ng mga pwersang panseguridad ng estado batay sa itinanim na [pekeng] ebidensya at gaga-gawang mga testimonya,” pahayag pa ng grupo.

Ang mga biktima ay dagdag na ngayon sa higit 750 bilanggong pulitikal sa buong bansa na ibinibimbin ng rehimeng US-Marcos.

AB: Inaresto na dating bilanggong pulitikal at kasama sa Capiz, natunton na