Inarestong mga tagapagtanggol ng karapatan ng Lumad, muling iginiit na palayain

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagpiket ang grupo ng mga pambansang minorya at tagapagtagtanggol ng karapatan ng mga katutubo sa Quezon City Hall of Justice kahapon, Hunyo 7, para muling ipanawagan ang pagpapalaya kina Julieta Gomez and Niezel Velasco na inaresto noong Hulyo 2021. Kasabay ang protesta ng pagdinig sa mga kasong kriminal na isinampa sa dalawa.

Sina Gomez at Velasco ay inaresto ng mga pulis at elemento ng 4th ID noong Hulyo 16, 2021 sa Barangay Pansol, Quezon City. Ang dalawa ay sinampahan ng mga kasong pagpaslang, maramihang tangkang pagpaslang at maramihang tangkang homicide. Sinampahan din sila ng mga kasong illegal possession of firearms and explosives na pinalabas na nakumpiska nang arestuhin sila.

Si Gomez ay isang Manobo mula sa San Luis, Agusan del Sur na kagawad ng konseho ng Kahugpungan sa mga Lumadnong Organisasyon sa Caraga. Si Velasco naman ay koordineytor ng Bread for Emergency and Development, isang institusyon na aktibo sa pagbibigay ng ayuda at tulong sa mga biktima ng sakuna sa Caraga.

Giit ng Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas, dapat agarang palayain ang dalawa at ibasura ang anila’y gawa-gawang mga kaso ng estado laban sa kanila. “Ang hindi makatarungang pagkukulong sa kanila sa loob ng tatlong taon ay matingkad na halimbawa ng sukdulang kayang gawin ng mga nagsampa ng kaso para lamang patigilin ang kanilang adbokasiya,” pahayag ni Beverly Longid, pambansang tagapagtipon ng Katribu.

Naibasura na ang mga kasong homicide at pagpaslang laban kay Velasco ngunit panibagong mga kaso ang isinampa sa kanya sa pangalang Mary Jane Velasco. Walang-batayang iginigiit ng prosekyutor na si Mary Jane at Niezel ay iisa.

Giit ni Longid, ang kinahaharap na panggigipit at gawa-gawang mga kaso nina Gomez at Velasco ay bahagi ng mas malalaking isyung dinaranas ng pambansang minorya sa Pilipinas. “Kinahaharap nila ang pang-aagaw ng lupa, pagkasira ng kalikasan, at militarisasyon, na higit lalong nagpapatingkad sa kagyat na pangangailangan para sa tunay na pagkilala at pagrespeto sa kanilang mga karapatan,” ayon kay Longid.

AB: Inarestong mga tagapagtanggol ng karapatan ng Lumad, muling iginiit na palayain