Kababaihan sa Quezon City na naninindigan kontra iligal na pagbabakod, nasugatan

, ,

Hindi bababa sa tatlong kababaihang residente ng King Christian St, Barangay Bagbag, Novaliches, Quezon City ang nasugatan ngayong araw, Hulyo 28, sa pagtutol nila sa iligal na pagbabakod at demolisyon sa kanilang komunidad. May 30 mga trabahador at maton ni Roberto Collantes ang inutusan na isagawa ang paggiba sa mga bahay sa lugar, na ilang beses nang tinangka sa nakaraan.

Ngayong araw, dumating sa komunidad ang mga tauhan ni Collantes para ituloy ang demolisyon at iligal na pagbabakod. Sa harap ito ng pagbangon pa lamang ng mga residente mula sa pananalasa at epekto ng Bagyong Carina at pag-ulan dulot ng habagat noong nakaraang mga araw.

Sa ulat ng Gabriela-Quezon City, biglang pumasok sa komunidad ang mga trabahador para manggiba ng mga tahanan. Bigla ring nagbaba ng mga materyales para sa pagbabakod.

Mapagpasyang hinarang ito ng mga nanay at kababaihan mula sa komunidad. Hinawakan nila ang mga barbed wire na inilatag ng mga trabahador. Nasugatan ang ilan sa kanila nang biglang hinila ng mga maton ang alambreng tinik. Nagtulungan rin ang mga nanay para mailabas sa kanilang lugar ang mga bakal na gagamitin sana sa pagbabakod.

Noong Hulyo 16, pinagbantaan ng mismong mga tauhan ng Barangay Bagbag, na kasabwat ni Collantes, ang mga residente na sila’y babarilin. Nakunan pa sa bidyo ang akmang pagkuha ng baril ng isa sa mga ito.

Kasunod ito ng pagtutol ng mga residente sa ginawang pwersahang pagkuha ng mga tauhan ng Barangay Bagbag sa paninda ng mga residente ng King Christian sa tabing ng “clearing operation”. Ayon sa Gabriela-Quezon City, iligal ang pagkuha ng mga taga-barangay sa mga paninda dahil wala naman sa sidewalk at hindi nakahambalang sa daanan ang mga panindang prutas.

Higit 50 indibidwal ang maapektuhan ng demolisyon at pang-aagaw sa lupa ni Collantes. Noong 2019, nagpakilala si Collantes sa mga residente at sinabing nabili niya ang lupang kinatitirikan ng mga bahay doon.

Naninindigan ang mga residente na mayroon silang karapatan sa komunidad laluna at halos dalawang dekada na silang naninirahan doon. Dagdag pa dito, idinidiin ng mga residente na pawang peke ang permit at mga dokumentong ipinakikita ng kampo ni Collantes para isagasa ang demolisyon.

AB: Kababaihan sa Quezon City na naninindigan kontra iligal na pagbabakod, nasugatan