Kabataang organisador ng magsasaka sa Southern Tagalog, dinukot ng militar
Dinukot ng pasistang Armed Forces of the Philippines (AFP) si Fhobie Matias, organisador ng magsasaka sa ilalim ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (Kasama-TK), noong Setyembre 28 sa Calamba, Laguna. Nasa Laguna si Matias para sa isasagawang konsultasyon sa mga magsasaka kaugnay ng mga kaso ng pangangamkam ng lupa ng mga panginoong maylupa, pagkalugi sa pagsasaka at paglabag sa karapatang-tao sa iba’t-ibang komunidad sa prubinsya.
Ayon sa kanyang pamilya, dinala ng mga sundalo si Matias sa isang kampo-militar. Anila, nakapagpadala pa ng mensahe sa kanila si Matias na humihingi ng tulong kasunod ng pagdukot sa kanya ng militar. Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa natutunton ang kanyang kinaroroonan.established
Bago nagpultaym na organisador ng Kasama-TK, nagsilbi si Matias bilang organisador ng pambansang upisina ng Anakbayan. Kabilang siya sa mga kabataang nagtayo ng community pantry sa Valenzuela noong panahon ng pandemyang Covid-19. Nag-organisa siya ng mga kabataan para ilantad noon ang kriminal na kapabayaan ng rehimeng Duterte at militarisadong lockdown noong Covid-19.
“Ang ginawang pagdukot kay Fhobie Matias ay kasabay ng tumitinding krisis na nararanasan ng mga magsasaka at iba pang aping sektor sa rehiyon,” pahayag ng Kasama-TK. Sa ilalim ng rehimeng Marcos, maraming kaso na rin ng pagdukot, iligal na pag-aresto, panggigipit, at red-tagging ang naitala ng Kasama-TK sa mga organisador at tagasuporta nito.
Nanawagan ang Kasama-TK at Anakbayan na kagyat at ligtas na ilitaw si Matias ng militar. Dapat din umanong mapanagot ang mga pwersang militar na sangkot sa karumal-dumal na krimen at si Marcos Jr mismo sa pagdukot sa biktima. Idiniin nila ang bigat ng krimen ng rehimeng US-Marcos na ginawa habang ginugunita ngayong Oktubre ang buwan ng magsasaka.