Balita

Kabataang sibilyan sa Northern Samar, pinaslang ng 20th IB sa pekeng engkwentro

Nanindigan ang mga residente ng Barangay Sulitan, Catubig, Northern Samar na isang sibilyan si Jerick Jugal, isa sa mga pinalalabas ng 20th IB na napatay nito sa serye ng armadong engkwentro sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa bayan ng Catubig noong Nobyembre 5. Nanawagan sila ng imbestigasyon at hustisya sa pagpaslang sa biktima.

Sa hinabing kwento ng 20th IB, napaslang si Jugal at isa pang indibidwal sa mga engkwentro sa pagitan nito at ng BHB sa mabundok na bahagi ng Barangay Sulitan. Nakikoro sa kwentong ito si Mayor Solomon Vicencio ng bayan ng Catubig. Nagpahayag ang meyor ng kanyang “pakikidalamhati sa mga pamilya ng mga namatay” nang walang malinaw na imbestigasyon sa insidente.

Dahil dito, nagkomento ang isang residente ng Catubig sa pahayag ng meyor. “Ano ba ‘to, Mayor, alam ng buong Barangay Sulitan na sibilyan si Jereck Jugal. Kabataan lang siya. Dapat lang imbestigahan ang nangyari,” aniya.

Ayon sa naturang residente, kapitbahay niya si Jugal na tinawag niyang responsableng anak na tanging naghahanap-buhay sa pamilya nila. “Tapos pararatangan ‘nyo nang walang basehan. Siya yung biktima dito; pinatay nang walang kalaban-laban yung bata,” anya. Nanawagan siya sa meyor na tulungan ang pamilya at mga kaanak ng biktima.

Sumang-ayon sa panawagang imbestigasyon ang iba pang mga taga-Catubig. “Sana pinaimbestigahan muna bago ka nanawagan kasi gawa-gawa lang nila ‘yan para hindi sila ang pagbintangan sa nangyari. Marami ang makakapagsabi na hindi NPA ang batang ‘yan,” ayon sa isa. “Hindi ka makaintindi kasi hindi sa pamilya mo nangyari ‘to,” dagdag pa niya.

Matapos ang sinasabing mga engkwentro, nagreklamo rin ang mga residente ng Barangay Sulitan at katabing mga komunidad dahil sa ipinataw na paghihigpit ng mga sundalo. “Nagugutom po ang mga kababayan ko kahit yung padala namin sa pamilya namin hindi nakakarating sa kanila dahil sa sobrang higpit ng mga sundalo sa sibilyan,” komento ng isa noong Nobyembre 7.

Pakiusap pa niya sa kumander ng batalyon at ng 8th ID na pagbigyang makalabas at makapaghanap-buhay ang mga residente ng Barangay Sulitan. “Paano po sila mabubuhay kung kahit pagpunta sa bayan para bumili ng pagkain hindi niyo po papayagan?” aniya. Dagdag pa ng komento, “sana po ay maging patas po tayo sa ating mga mamamayan.”

Samantala, para buhusan ng malamig na tubig ang lumalakas na panawagan ng mamamayan ng Barangay at ng Catubig ay nagsagawa ng palabas na pamamahagi ng pagkain ang Municipal Task Force-Elcac, lokal na mga ahensya at 20th IB sa Barangay Sulitan at katabing Barangay Magtuad noong Nobyembre 10. Namigay ang mga ito ng ilang kilong bigas, ilang sardinas at kape sa 230 pamilya sa Barangay Sulitan at 225 pamilya sa Barangay Magtuad.

Ginagamit rin ang pamamahagi ng tulong para pantabing sa militarisasyon at media black out na ipinapataw ng 20th IB sa buong komunidad. Tumatayong kumander ng notoryus na 20th IB si Lt. Col. Richard Villaflor.

AB: Kabataang sibilyan sa Northern Samar, pinaslang ng 20th IB sa pekeng engkwentro