Kagyat na umento sa sahod, iginiit ng mga manggagawa
Muling iginiit ng mga manggagawa ang dagdag na sahod sa harap ng pagsirit ng presyo ng langis at mga batayang bilihin. Noong Marso 11, nagsagawa ang mga manggagawa sa ilalim ng Unity for Wage Increase (UWIN) ng konsultasyon sa National Cathedral ng Iglesia Filipina Independiente sa lungsod ng Maynila bago sila tumulak sa upisina na Regional Wage Board. Habang isinasagawa ang porum, pinalibutan ng mga pulis ang katedral sa utos ng kumander ng PNP para hadlangan ang kanilang pakilos.
“Itaas na dapat,” ang giit ng mga manggagawa sa Kilusang Mayo Uno sa Department of Labor and Employment. Anila, positibo ang pag-utos ng ahensya para pag-aralan ang kasalukuyang antas ng sahod, pero ang kailangan ngayon ay kagyat na aksyunan ang nakabimbing mga petisyon para sa dagdag sahod. Huling isinampa ng UWIN ang petisyon noong 2019. Dalawang beses itong ibinasura ng DOLE at isinaisantabi sa tabing ng “pag-agapay sa pandemya.” Huling nadagdagan ang sahod sa National Capital Region noon pang 2018.
Mas malala, instrumento ang DOLE sa pagpabagsak sa sahod sa pamamagitan ng pagpapahintulot nito sa mga kapitalista na bawasan ang sahod ng kanilang mga manggagawa sa tabing ng “pagpreserba ng mga trabaho” sa ilalim ng pandemya. Noong 2020, nagtala ng abereyds na pagbagsak na 9% ang sahod ng mga manggagaang Pilipino sa kasagsagan ng mahihigpit na lockdown ng rehimeng Duterte.
“(T)uloy tayo sa pagsuporta sa mga manggagawa natin sa ilalim ng Unity for Wage Incraese Now sa kanilang petisyon para sa wage increase mula ₱537 tungong ₱750,” pahayag ni Elmer “Ka Bong” Labog, kandidato ng mga manggagawa pagkasenador.
Ayon sa Ibon Foundation, lalupang lumayo sa kasalukuyang minimum ang sahod ang nakabubuhay. Sa pagkwenta ng Ibon, kailangan ng isang pamilyang may limang myembro nang ₱1,072 kada araw o ₱25,252 para mabuhay ng disente sa Metro Manila. Ito ay sa kalagayang inilagay ng estado sa “mababang” 3% ang tantos ng implasyon.
Ayon kay Sonny Africa, executive director ng institusyon, noong pumalo ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado nang $131 kada bariles (₱5,618 sa palitang $1=₱42.80) noong 2008, pumalo nang 10.2% ang tantos ng implasyon sa Pilipinas. Ngayong umaabot na ito sa $120 kada bariles (₱6240 sa palitang $1=₱52), posibleng triple kundinman apat na beses pang bibilis ang pagsirit ng mga batayang pangangailangan at serbisyo.