Kampanya para sa maysakit na bilanggong pulitikal sa Iloilo, inilunsad
Inilunsad ng mga kaanak, kaibigan at mga tagapagtanggol sa karapatang-tao noong Disyembre 19 ang isang kampanya na layong suportahan ang 74-taong gulang na maysakit na bilanggong pulitikal na si Tomas Dominado Jr. Nagtipon sila sa Lapaz, Iloilo City para ilunsad ang “Freedom and Care for Tomas Dominado Jr: Defend Human Rights.”
Layunin ng naturang kampanya ang tiyakin ang hustisya, pag-aalagang medikal, at kalayaan ni Dominado at iba pang bilanggong pulitikal. Si Dominado ay inaresto noong Disyembre 5 sa Barangay Sooc, Arevalo, Iloilo City sa mga kasong pagpatay at rebelyon na isang dekada nang isinampa sa korte.
Matanda at maysakit na si Dominado. Noong nakaraang taon, dumanas siya ng stroke na dahilan ng kanyang pagkaratay. Nakasalalay lamang sa nag-aalaga sa kanya para makakilos gamit ang wheelchair. Dumaranas siya ng altapresyon, heart enlargement, neurological deficits, at iba pang seryosong isyung medikal at ang pagkukulong sa kanya ay makapagpapalala sa kanyang kalagayan.
“Kailangan niya ng kagyat na interbensyong medikal na hindi sapat na maibibigay sa mga pasilidad ng detensyon,” ayon sa naunang pahayag ng Panay Alliance Karapatan. Liban pa dito, naninindigan sila na ang pag-aresto sa kanya ay bahagi lamang ng walang tigil na kampanya ng panunupil laban sa mga kritiko ng gubyerno. Si Dominado, isang matagal nang aktibista, ay asawa ng desaparesido na si Ma. Luisa Posa-Dominado.
Ayon sa pamilya ni Dominado, marami ang nakiisa sa dati nilang kampanya para palayain si Ma. Luisa Posa-Dominado na ilang beses inaresto noong dekada 1980, at ang panawagang ilitaw si Posa-Dominado at si Nilo Arado noong Abril 2007. “Umaasa kaming muli ninyo kaming sasamahan sa laban para palayain ang aming tatay,” pahayag ng kanyang mga anak.
Liban sa panawagang palayain si Dominado, magsisikap rin ang mga grupo na ipabatid sa mas maraming Pilipino ang kinahaharap na panunupil ng estado sa mga tagapagtanggol ng karapatang-tao tulad niya.
Inaresto kasama ni Dominado ang kanyang tagapag-alaga na pinalalabas na nakuhaan ng mga baril at mga bala na dahilan para kasuhan siya ng illegal possession of firearms and ammunition. Sinampahan rin siya ng kasong “terorismo” o paglabag sa Anti-Terrorism Act dahil sa pagbibigay ng suportang materyal sa umano’y teroristang organisasyon, at mga kasong pagtatago sa pangunahing akusado, at obstruction of justice.