Free Our Sisters, Free Ourselves Kampanya para sa pagpaplaya ng kababaihang bilanggong pulitikal, muling inilunsad

,

Muling inlunsad ng mga grupong kababaihan na Gabriela, Gabriela Youth at Gabriela Women’s Party ang kampanyang ‘Free Our Sisters, Free Ourselves’ kahapon para igiit ang kagyat na pagpapalaya sa lahat ng mga kababaihang bilanggong pulitikal. Kabilang sa mga iginiit na kaagad palayain ay sina Adora Faye de Vera, Atheliana Hijos, Tes Pielago na pawang may edad at may iniindang sakit.

Dumalo sa pagtitipon ang ilampung tagapagtaguyod ng karapatang-tao, kababaihan at mga kapamilya ng mga bilanggong pulitikal. Kabilang sa kampanya ang panawagan para sa pagpapalaya kay dating Sen. Leila de Lima.

Si de Vera, 66, isang makata, beteranong aktibistang kontra-diktadura at dating pambansang upisyal ng Gabriela ay inaresto sa Teachers Village East, Quezon City noong Agosto 24. Samantala, si Hijos, 76, ay inaresto noong Agosto 30 sa District 8, Barangay Kinabjangan, Nasipit. Silang dalawa, sampu ng iba ang kababaihang bilanggong pulitikal ay sinampahan ng gawa-gawang mga kasong kriminal.

Isinagawa ang naturang pagtitipon sa Commission on Human Rights (CHR) sa Quezon City. Bahagi ng programa ang pagpapalipad ng mga paru-paro bilang simbolo ng ipinananawagang kalayaan ng mga kababaihang ikinulong at dinukot ng reaksyunaryong estado.

Sa higit 800 bilanggong pulitikal sa bansa, humigit-kumulang 130 ang kababaihan.

Nauna nang naglunsad ng protesta ang parehong mga grupo noong Setyembre 2 sa CHR para igiit sa estado ang pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal at pagbabasura sa mga gawa-gawang kasong isinasampa laban sa mga kababaihang tagapagtaguyod ng karapatang-tao.

AB: Kampanya para sa pagpaplaya ng kababaihang bilanggong pulitikal, muling inilunsad