Balita

Kampuhan kontra PUV phaseout, itinayo sa upisina ng LTFRB

,

Sa unang araw ng tigil-pasada ng mga tsuper at opereytor, nagtayo ng kampuhan ang Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) at No To PUV Phaseout Coalition sa harap ng upisina ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Quezon City para tutulan ang anti-mahirap na public utility vehicle (PUV) phaseout. Iginigiit ng Piston na ibasura ang dedlayn ng sapilitang konsolidasyon sa prangkisa at ang mismong bogus na programang modernisasyon. Mananatili ang mga tsuper sa kampuhan hanggang hindi tumutugon ang administrasyon, ayon sa grupo.

Nagmartsa ang mga tsuper, opereytor at kanilang mga tagasuporta mula sa University of the Philippines (UP)-Diliman tungong LTFRB. Nagbigay ng talumpati ang mga kinatawan ng sektor ng maralita, manggagawa, kabataang estudyante at iba pa na maaapektuhan sa idudulot na krisis at kapalpakan ng phaseout sa mga PUV sa Disyembre 31. Naglunsad din ng misang bayan sa kampuhan.

Tutol ang Piston sa ipinatutupad na sapilitang konsolidasyon ng prangkisa na magsusuko sa indibidwal na prangkisa ng mga tsuper at opereytor. Anila, ang indibidwal na prangkisa ang katiyakan sa pagkakaroon ng hanapbuhay at para makapasada.

“Maghahatid ng walang kaparis na krisis sa transportasyon at masaker sa kabuhayan si Marcos Jr kung hindi palalawigin ang dedlayn ng konsolidasyon ng prangkisa,” pahayag ng Piston.

Nauna nang binatikos ng grupo ang pahayag ng gubyerno na 70% ng PUV ang pumaloob na sa konsolidasyon. Wala umano itong katotohanan at malinaw na panlilinlang sa publiko. Paliwanag ng Piston, kasama sa naturang bilang ang lahat ng tipo ng PUV sa buong bansa kabilang ang mga bus. Kung dyip sa National Capital Region umano ang bibilangin, nasa 26% pa lang ang nagkonsolida, habang 36% pa lamang ng UV Expresss ang nagkonsolida.

Tinatayang aabot sa 33,224 na dyip at UV Express sa buong NCR ang hindi na makabibiyahe kapag itinuloy pa rin ang dedlayn. Halos 70% ng lahat ng dyip at 60% ng lahat ng UV Express umano ang mawawala sa NCR sa Enero 2024.

Sa pagtatangkang pahintuin ang welga at kampuhan, inimbitahan ng chairperson ng LTFRB na Teofilo Guadiz ang mga lider ng Piston at lokal na samahan sa isang dayalogo sa loob ng upisina. Wala itong kinahinatnan. Naghugas-kamay lamang ang LTFRB at sinabing tanging si Marcos ang makapipigil sa pwersahang konsolidasyon ng prangkisa.

Matapos ang dayalogo, ipinabatid ng Piston na magpapatuloy ang kanilang kampuhan at ang ikalawang araw ng tigil-pasada. Malinaw sa grupo na ang buong programa sa modernisasyon ng PUV at ang konsolidasyon ng prangkisa na rekisito nito ay palpak, anti-mahirap at naglilingkod lamang sa interes ng malalaking negosyo. “Wasto at makatarungan lamang na magwelga laban sa mga patakarang ito,” paninindigan ng grupo.

Naglunsad din ng tigil-pasada at kilos protesta ang mga drayber at opereytor ng dyip sa Cebu City, Iloilo City, Bacolod City, at mga prubinsya ng Rizal, Laguna, Cavite at Aklan. Tuluy-tuloy naman ang aktibidad ng mga grupo sa LTFRB ngayong gabi.

AB: Kampuhan kontra PUV phaseout, itinayo sa upisina ng LTFRB