Kapitalistang di pagkakapantay-pantay, palala nang palala

,

Walang nagbago sa di pagkakapantay-pantay sa mundo sa usapin ng kita at yaman ngayon kumpara noong unang umusbong ang kapitalismo, dalawang siglo na ang nakararaan. Sa aktwal, lalupang lumaki ang agwat ng yaman sa pagitan ng mamamayan sa loob ng mga bansa, at sa pagitan ng mga gubyerno at pribadong sektor.

Sa pananaliksik na pinamagatang World Inequality Report (2022) na isinapubliko noong nakaraang linggo ng World Inequality Lab, sinabi nitong “ang bahagi ng kita na hawak ng kalahati ng pinakamahihirap na mamamayan sa buong mundo ngayon ay kalahati lamang sa hawak ng parehong sektor noong 1820…”

Anito, liban sa Europe, ang hawak ng 50% pinakamahihirap na mamamayan sa kabuuang pagdaigdigang kita ay wala pa sa 15% habang ang hawak ng 10% ng pinakamayayaman ay nasa 40% hanggang 60%.

Mas matingkad ang di pagkakapantay-pantay sa usapin ng yaman. “Ang pag-aari ng 50% pinakamahihirap sa kabuuang yaman ng daigdig ay tinatayang nasa 2% habang ang bahagi ng 10% pinakamayayaman ay nasa 76%,” anito. Ibinunga nito ang labis-labis na konsentrasyon ng yaman, at sa gayon, ng kapangyarihang pang-ekonomya, sa kamay ng maliit na minorya ng mga “super-yaman.”

Sa nakaraang 40 taon, tumaas ang yaman ng mga bansa, pero sa parehong panahon, bumagsak ang netong yaman ng mga gubyerno. Halos walang hawak na yaman ang mga pampublikong sektor. Ibig sabihin, ang yaman ng mga bansa ay nakakonsentra sa kamay ng mga pribadong entidad. (Habang papalugi ang mga gubyerno at sa kalakhan ay nabubuhay sa pamamagitan ng pangungutang, lumalaki ang yaman ng pribadong sektor, na kumukontrol sa sistema ng pagbabangko.) Tumampok ito nitong 2020-2021 kung saan kinailangan ng mga gubyerno na mangutang nang 10% hanggang 20% ng kanilang mga GDP sa pribadong bangko para umagapay sa papalaking gastos sa pagharap sa pandemyang Covid-19.

Dagdag nito, nakopo ng pinakamayamang 1% ang 38% na nadagdag na yaman sa buong mundo mula 1995 hanggang 2021. Ito ay habang naambunan ng 2% lamang sa nagdagdag na yaman ang 50% pinakamahihirap sa parehong panahon. Gayundin, sumirit pataas ang bahagi ng yaman ng mas maliit pang grupo ng 0.1% ng pinakamayayaman—ang tinaguriang mga “bilyunaryo ng mundo” – nang 7% hanggang 11%. Nadagdagan ang yaman ng mga ito nang abereyds na 3.2% kada taon simula 1995. Lalupa itong pinalobo ng pandemya. Katunayan, ayon sa ulat, pinakamalaki ang dagdag na yaman ng mga bilyunaryong ito noong 2020.

Ngayong 2021, itinala ng pananaliksik na mayroong 62.2 milyong katao sa buong mundo na may yamang $1 milyon pataas. Ang abereyds na yaman ng mga ito ay $2.8 milyon kada isa, o $174 trilyon sa pangkabuuan. Sa mga ito, siyam katao ang may yamang $100 bilyon pataas, at may abereyds na yaman na $146,780 milyon kada isa.

Isinisisi ng pananaliksik sa mga neoliberal na patakaran ang naghuhumiyaw na di pagkakapantay-pantay sa nakaraang 30 taon. Anito, sa kalakhan ng mundo, ang nagbunsod nito ay ang “gulat na reaksyon ng United Kingdom at US sa pagbagsak ng pag-unlad sa dekada 1970, na nagtulak sa paniniwala na ang problema ay ang mga hakbang na nagtitiyak na hindi aalagwa ang di pagkakapantay-pantay.

Kabilang sa sinisi ng mga gubyerno noon nina Margaret Thatcher ng UK at Ronald Reagan ng US ang pagkakaroon ng minimum na sahod, pag-uunyon, pagbubuwis, regulasyon sa mga merkado at iba pa). Anito, “itinulak (nila) ang kultura ng pagnenegosyo na walang kahihiyang nagdadakila sa pagkamkam ng pribadong yaman.” Ang mga hakbang nina Thatcher at Reagan na nagluwag sa mga regulasyon ng estado sa pribadong sektor ang naging salalayan ng “nakahihilong pagsirit” ng di pagkakapantay-pantay sa loob ng mga bansa na nagpapatuloy hanggang sa ngayon. Ito rin ang karanasan ng India at, babala ng ulat, daranasin ng China sa darating na panahon.

AB: Kapitalistang di pagkakapantay-pantay, palala nang palala