Kasong arson laban sa direktor at 3 pa, ibinasura

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nakalaya na si Jade Castro, ang direktor ng independyenteng mga pelikula, at tatlo pa matapos ibasura ng Catanauan Regional Trial Court (RTC) Branch 96 ang kasong arson na isinampa laban sa kanila ng mga pulis. Lumabas sila ng kulungan kahapon nang gabi, Marso 11, matapos ang 40 araw ng di makatarungang pagkakabilanggo.

Sina Castro, kasama sina Ernesto Orcine, Noel Mariano, at Dominic Ramos, ay inakusahang nangsunog ng isang “modern jeep” sa Gumaca, Quezon sa Southern Tagalog noong Enero 31. Inaresto sila nang walang mandyamento noong Pebrero 1. Itinuloy ng ang pagkakaso sa kanila sa kabila ng maraming saksi na nagpatunay na nasa bayan sila ng Mulanay sa panahon ng panununog.

Kinatigan ng korte ang isinampang mosyon ng mga abugado ni Castro na ibasura ang kaso sa batayang invalid o walambisa ang kanilang pagkaka-aresto.

Ayon sa abugado ng apat, hindi napatunayan ng mga pulis na may personal silang kaalaman na sina Castro ang gumawa ng krimen, at kulang din ang impormasyong ibinigay ng mga testigong nagturo sa kanila. Hindi rin naging kapani-paniwala ang pagdadahilan ng pulis na nasa “hot pursuit” sila sa mga “suspek” dahil walang ipinakitang kaduda-dudang kilos sina Castro at kanyang mga kasama nang sila ay arestuhin.

Ikinagalak ng mga kapamilya, kasama sa industriya ng pelikula, mga progresibong organisayon sa sining, at maraming tagasuporta ang paglaya ng apat.

Sa press conference na isinagawa nina Castro, kasama ang kanilang mga abugado, inilinaw nilang hindi “isolated case” ang ginawang iligal na pag-aresto, pagsampa ng gawa-gawang kaso at detensyon sa kanila, kundi bahagi ito ng kawalang pakundangan ng mga pwersa ng estado at inhustisya sa lipunan.

“Ang mga di makatarungang pang-aaresto at detensyon ng mga alagad ng sining, aktibista at iba pang mamamayan ay salamin sa tumitinding state of impunity at kawalang paggalang sa karapatang-tao sa ating bansa,” pahayag ng Concerned Artists of the Philippines.

AB: Kasong arson laban sa direktor at 3 pa, ibinasura