Balita

Kasong "terorismo" laban sa organisador ng mga guro sa Central Luzon at 28 iba pa, ibinasura

Ikinalugod ng Karapatan-Central Luzon ang pagbasura ng isang korte sa Malolos City, Bulacan sa kasong “terorismo” o paglabag sa Anti-Terorrism Act of 2020 ng 84th IB laban sa organisador ng mga guro sa Central Luzon na si Au Santiago at 28 iba pa. Inianunsyo ng grupo ang pagbasura sa kaso noong Agosto 7.

“Ang pagbasura sa mga reklamo…ay naglalantad sa gawa-gawang mga kasinungalingan at na ang mga kasong ito ay isinampa para pagbantaan, ligaligin, at takutin si Santiago sa desperadong tangka na patigilin siya sa kanyang gawain bilang organisador ng unyon at tagapagtanggol ng karapatang-tao,” pahayag ng grupo.

Si Santiago ay kasalukuyang kasapi ng pambansang konseho ng ACT Teachers Partylist, pambansang bise presidente para sa Luzon ng Koalisyong Makabayan, koordineytor ng Alliance of Concerned Teachers at pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan-Central Luzon. Byuda siya ni Willem Geertman, isang Dutch na nagtataguyod sa kagalingan ng mga manggagawa at mahihirap na sektor sa Central Luzon, na biktima ng ekstra-hudisyal na pagpaslang noong 2012.

Ayon sa Karapatan-Central Luzon, si Santiago ay dumanas ng pinatinding panggigipit mula sa mga pwersa ng estado nang itinatag ang National Task Force-Elcac sa bisa ng Executive Order 70 ng noo’y rehimeng Duterte. “Naging tampulan siya ng walang-tigil na atake sa kanyang buhay, kalayaan at seguridad sa maraming taon,” ayon sa grupo.

Sa pagkakabasura ng kasong “terorismo” laban kay Santiago, umaasa ang Karapatan-Central Luzon na maibabasura rin ang katulad na mga kasong nakasampa sa mga korte sa rehiyon laban sa mga aktibista at organisador.

“Dapat may managot sa mga sangkot sa ganitong porma ng panliligalig gamit ang hudikatura laban sa mga aktibista, tagapagtanggol sa karapatang-tao at ordinaryong mga sibilyan,” anang grupo. Patunay rin umano ang kaso na ginagamit ang “terror law” laban sa mamamayan at dahilan para tuluyan itong ibasura.

AB: Kasong "terorismo" laban sa organisador ng mga guro sa Central Luzon at 28 iba pa, ibinasura