Kontra-insurhensyang yunit ng pulis, inambus ng BHB-Northern Negros
Inambus ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Northern Negros (Roselyn Jean Pelle Command) ang tropa ng Regional Mobile Force Battalion-Negros Island Region (RMFB-NIR) na nagsasagawa ng kontra-insurhensyang operasyon sa Sityo Alimpolosan, Barangay Lalong, Calatrava, Negros Occidental noong Hunyo 14 ng hapon. Bahagi ang ambus ng serye ng mga armadong aksyon ng BHB sa isla ng Negros sa nagdaang buwan.
Iniulat ni Ka Cecil Estrella, tagapasalita ng BHB-Northern Negros, na itinigil ng yunit ang pagpapaputok ng baril nang napansin nilang mayroong lulang mga sibilyan ang sasakyan ng mga pulis. Aniya, hindi na ipinagpatuloy ng mga Pulang mandirigma ang pagsugod para matiyak ang kaligtasan ng mga sibilyan. Ang hakbang na ito ay mahigpit na pagtalima ng BHB sa mga alituntunin ng digma at internasyunal na makataong batas.
Nagbigay ng paalala si Estrella sa mga sibilyan na iwasang sumakay sa mga sasakyan ng pulis at militar dahil isinasapanganib sila nito. Aniya, ang mga kagamitan at sasakayan ng mga pwersa ng estado ay lehitimong target ng mga aksyong militar ng hukbong bayan.
Samantala, itinanggi ng mga pulis na isang ambus ang naganap at pinalalabas na engkwentro ang nangyari. Pagtatangka nila ito para pagtakpan ang sariling pagkatalo at itanggi ang gerilyang bentahe ng hukbong bayan na nagsagawa ng armadong aksyon.
Ang inambus na yunit ng RMFB ay nasa erya para ipagpatuloy ang Retooled Community Support Program (RCSP) na sinimulan ng 79th IB. Ayon kay Estrella, ang RCSP ay isang pakitang-taong programa at tabing para ibayong patindihin ang militarisasyon sa kanayunan.
Sa kasaysayan ng RCSP sa Northern Negros, walang mintis ang 79th IB sa paglabag sa karapatang-tao ng mga magsasaka at residente. Kabilang dito ang mga kaso ng sapilitang pagpapasurender, pagpapaputok ng baril, magdamag na inuman, pagsusugal at pagpapakalat ng pornograpiya.
“Ang paglulunsad ng BHB ng taktikal na opensiba ay isang makatarungang tugon sa mga atake ng AFP at PNP sa mga mamamayan ng nasabing lugar,” pahayag ni Estrella. Dagdag niya, patuloy na magsisikap ang mga yunit ng BHB-Northern Negros at hindi hahayaang patuloy ang pamiminsala ng militarisasyon sa lugar at pamamayagpag ng inhustisya.
Pinuri ng BHB-Negros Island (Apolinario Gatmaitan Command) ang ambus ng BHB-Northern Negros. Ayon kay Ka Maoche Legislador, tagapagsalita ng panrehiyong yunit, ang sunod-sunod na mga aksyong militar na inilunsad ng hukbong bayan sa isla ay nagpapakita ng pakikiisa ng Pulang hukbo sa masang Negrosanon. “Patuloy ang pagsisikap ng Pulang hukbo na putulin ang [tanikala ng pagsasamantala] sa pamamagitan ng pagwasak sa mga bayarang armadong makinarya ng mga sakim na panginoong maylupa at mga burgesyang komprador,” aniya.