Balita

Kontra-kababaihang pahayag ng isang senador hinggil sa mag-asawa, binatikos ng Gabriela Women's Party

Kinundena ng kinatawan ng Gabriela Women’s Party at kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan na si Rep. Arlene Brosas ang kamakailang kontra-kababaihang pahayag ni Sen. Robinhood Padilla hinggil sa kasal at mag-asawa. Sa isang pagdinig sa senado, ibinulalas ni Padilla ang ideya ng pamimilit sa asawang babae kung gustong makipagtalik ng kanyang asawang lalaki.

“Nais naming ipaalala kay Sen. Robin Padilla na ang hindi ay hindi,” pagdidiin ni Rep. Brosas. Aniya, hindi dapat ituring bilang mga “sexual object” ang kababaihan tulad ng ipinahihiwatig ng senador sa kanyang mga pahayag.

“Kakila-kilabot makarinig ng lipas na at mapanganib na mga pananaw na ipinalalaganap ng isang mambabatas sa isang pampublikong pagdinig,” ayon pa kay Rep. Brosas.

Ipinahayag ito ni Sen. Padilla sa pagdinig sa senado kaugay ng imbestigasyon hinggil sa mga reklamo ng pang-aabusong sekswal at harasment sa industriya ng midya. Kasunod ito ng mga alegasyon ng sekswal na pang-aabuso ng isang baguhang artista laban sa dalawang matataas na creative personnel ng GMA-7.

Pagdidiin pa ni Rep. Brosas, “ang pagpayag ay kusang ibinibigay at hindi pinipilit. Panahon pa ni kopong-kopong ang pagtingin na walang karapatan ang babae na humindi sa pakikipagtalik sa asawa.”

Katulad na pagbatikos rin ang ipinahayag ng grupo ng kababaihang Gabriela. Ayon kay Clarice Palce, pangkalahatang kalihim ng grupo, inilalantad ng pahayag ni Sen. Padilla ang kanyang machismo at lantarang pagbalewala sa karapatan at awtonomiya ng kababaihan.

“Ang linya ng pagtatanong ni Senator Padilla ay hindi lamang pambabastos sa kababaihan kundi pangmamaliit sa seryosong isyu ng consent,” ayon pa kay Palce.

Nanawagan ang Gabriela ng pananagutan mula sa mga pampublikong upisyal at hinikayat ang publiko na tuligsain ang kahit anong porma ng misogyny at karahasan at diskriminasyong nakabatay sa kasarian. Hinamon rin nila si Senator Padilla na bawiin ang kanyang “macho at mapanganib na pahayag.”

Kaugnay nito, itinutulak ng Gabriela Women’s Party ang pagpapatibay ng kasalukuyang Anti-Rape Law. Layon nilang salaminin ng batas ang umuunlad na pag-unawa sa konsepto ng consent at ang pagsaklaw sa mga kaso ng pang-aabusong sekswal sa iba’t ibang konteksto.

AB: Kontra-kababaihang pahayag ng isang senador hinggil sa mag-asawa, binatikos ng Gabriela Women's Party