Kontra-mahirap at kontra-manggagawa ang pagkaltas sa badyet sa PGH
Mariing kinundena ng All UP Workers Union-Manila/PGH sa isang pahayag noong Agosto 28 ang panukalang kaltas sa badyet ng Philippine General Hospital sa taong 2023. Sa isinumite ng Department of Budget and Management na panukalang pambansang badyet sa Kongreso, binasawan ng rehimeng Marcos nang ₱890 milyon ang badyet ng ospital mula sa ₱6.302 bilyon ngayong taon tungong ₱5.412 bilyon na lamang sa susunod na taon.
Ang totoo, kailangan ng PGH ng ₱10 bilyong badyet para makaagapay sa mga pangangailangan nito, ayon sa mga manggagawang pangkalusugan. Kailangan ito para sa dagdag na ayudang medikal sa mahihirap na pasyente, pang-upgrade ng mga pasilidad, pambili ng dagdag na gamit tulad ng mga makinang pangdiagnostic (pangtukoy ng sakit), pag-empleyo ng dagdag na 500 nars, pagregularisa sa kanila at sa 300 kasalukuyang empleyadong kontraktwal at job order, pagtaas ng mga benepisyo at pagtitiyak ng kaligtasan ng mga manggagawang pangkulusugan.
“Ang pagbawas sa badyet ay di patas at di katanggap-tanggap lalupa’t kinikilala ang PGH bilang nangungunang training hospital at “Ospital ng Bayan,” ayon sa pangulo ng unyon na si Karen Mae Faurillo. “Malinaw sa pagkaltas na ito na hindi prayoridad ng gubyernong ito ang kalusugan ng mamamayan.”
Mga benepisyo sa pandemya, di pa rin naibibigay
Hanggang ngayon, di pa rin natatanggap ng 4,000 manggagawang pangkalusugan ng PGH ang nararapat nilang mga benepisyo bilang mga frontliner sa pagsugpo ng pandemyang Covid-19. Noong Agosto 23, lumabas sila sa kalsada sa harap ng ospital (Taft Avenue) para igiit ang kagyat na paglalabas ng mga benepisyong ito.
“Iginigiit namin sa gubyernong Marcos Jr na i-relis sa kagyat ang mga benepisyong Covid-19 na karapat-dapat naming matanggap sa ilalim ng Administrative Order 43, the One COVID Allowance at Health Emergency Allowance,” ayon sa pahayag ni Faurillo sa araw na iyon. Noon pang nakaraang taon pinirmahan ang mga kautusan para rito.
Ayon sa mga manggagawa, ang naturang mga benepisyo ay iginawad sa kanila bilang pagkilala sa kanilang kontribusyon sa pagtugon sa pandemya. Pero paulit-ulit itong ipinagkakait sa kanila.
“Nakakademoralisa at nakakagalit na,” ayon kay Faurillo. Bago nito, naglunsad ang mga manggagawang pangkalusugan ng mga rally at iba pang pagkilos sa loob ng ospital. Noong Agosto 11, nakipagdayalogo ang kanilang unyon sa administrasyon ng PGH para ihapag ang kanilang mga kahilingan. Nangako silang magsasagawa ng mga pagkilos hanggang di ibinibigay ang kanilang mga benepisyo.