Kriminal na kapabayaan ni Marcos sa harap ng El Niño, tinuligsa ng mga NDFP-Palawan

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

“Malaki ang pananagutan ng reaksyunaryong gubyerno sa dinaranas ngayong tagtuyot, at iba pang kalamidad at sakuna ng mamamayan ng Palawan.” Ito ang pahayag ng rebolusyonaryong kilusan sa Palawan. Tinukoy nito ang pakikipagsabwatan sa pang-aapi at pagsasamantala ng mga monopolyong dayuhan, malalaking kumprador-panginoong maylupa ang salarin sa labis na kahirapan ng masang Palaweño.

Kasalukuyang hinahagupit ng tagtuyot na dulot ng El Niño ang prubinsya. Noong Pebrero, umabot na sa ₱48 milyon ang halaga ng nasalantang pananim sa 816.38 ektaryang lupang agrikultural dito. Lagpas kalahati o nagkakahalaga ng ₱27 milyon ng napinsalang pananim ay sa bayan ng Brooke’s Point, habang pumapangalawa ang bayan ng Narra na may mahigit ₱10 milyon, ayon sa ulat ng mga kasama.

Apektado rin ang iba pang bayan tulad ng Coron, Quezon at Roxas na karaniwang may pinsalang nagkakahalaga ng ₱2-5 milyong bawat isa. “Nakakabahala dahil tiyak na lalaki pa ito dahil tinatayang hanggang Hunyo pa ngayong taon matatapos ang El Niño,” pahayag nila.

Ayon sa Office of the Provincial Agriculturist (OPA), 1,200 magsasaka ang apektado ng tagtuyot mula sa mga bayan ng Aborlan, Narra, Sofronio Española, Quezon, San Vicente, Taytay at Bataraza. Konserbatibo ang bilang na ito at hindi pa kasabay sa ulat ang mga magsasaka sa Brooke’s Point kung saan pinakamatindi ang napinsala.

Sa pinakahuling ulat ng NDRRMC nitong Marso, ₱1.75 bilyong halaga na ang pinsala sa agrikultura ng tagtuyot sa buong bansa. Apektado ang 29,409 magsasaka at mangingisda, kung saan 2,613 nito ay mula sa MIMAROPA na may lawak ng nasalantang pananim na mahigit 3,000 ektarya.

Sa Barangay New Agutaya sa bayan ng San Vicente, nakita ng mga magsasaka ang epekto sa kanila ng pagbabago ng klima. Anila, pumaparte na lamang ng walang sako ang dating pumaparte ng 20 sako. Sa isang pag-aaral, ibinahagi rin ng mga maliliit na mangingisda sa mga pulo ng Calamianes (Busuanga, Coron at Culion), na ramdam nila ang epekto ng pagbabago ng klima sa papaliit na nahuhuli nilang isda. Kung dati-rati’y nakakahuli sila ng 20-50 kilo papunta pa lang sa laot, ngayon balikan na ang takbo nila ay limang kilong isda na lang ang naiuuwi nila. Sa pag-init ng klima, ang tendensya ng mga isda ay pumunta sa mas malalim at malamig na bahagi ng dagat, kaya ayon sa mga mangingisda malayo na rin ang kanilang pinamamalakaya. Bukod sa malayo, di pa rin sapat ang huli nila.

“Sa gitna ng lawak at tindi ng pinsala ng tagtuyot, patak lamang ang ayuda at serbisyong mula sa rehimeng US-Marcos,” ayon sa mga Palawenyo. “Nanatiling nagdurusa ang masang magsasaka at mangingisda sa tagtuyot at sa kapabayaan ng reaksyunaryong gubyerno sa kanila.”

Kakarampot na ₱5,000 sa ilalim ng Rice Farmers Financial Assistance (RFFA) program sa 71,795 na magsasaka sa MIMAROPA ang ibinigay nitong ayuda. Ang National Irrigation Administration (NIA) naman ay naghahabol sa paglalagay ng 570 augmentation pump sa limang rehiyon kasabay ang MIMAROPA na labis na tinamaan ng tagtuyot. Ngayon din lang isinagawa ang pagkongkreto ng 847.82 kilometro ng irrigation canal para umano pakinabangan ng 40,621 magsasaka sa buong bansa. Ang DSWD at Department of Labor and Employment (DOLE) ay nagkakasya naman sa pamimigay ng food packs at cash-for-work para sa mga apektado ng tagtuyot.

Sa harap nito, hinamon ng NDF-Palawan ang lokal na gubyerno na aksyunan ang dinadanas na hirap ng mamamaya. Ayon kay Leona Paragua, tagapagsalita ng NDF-Palawan, tila naghihintay pa ng deklarasyon ng state of calamity ang lokal na mga upisyal bago umaksyon.

Nanawagan si Paragua sa mamamayan na higit na magbigkis at magkaisa at ilunsad ang iba’t ibang tipo ng pagkilos para ilantad, singilin at kastiguhin ang estado sa kriminal na kapabayaan nito sa kapakanan at kagalingan ng taumbayan sa gitna ng ganitong mga sakuna.

“Dapat nilang igiit ang sapat at karampatang tulong at ayuda sa gitna ng pagkapinsala ng kanilang mga kabuhayan,” aniya. “(D)apat nilang ibunsod ang kanilang kolektibong pagsisikap para harapin sa sarili nilang paraan ang pasakit ng tagtuyot. Sinabi niyang dapat pangunahan ng mga alyadong organisasyon ng NDFP sa Palawan ang mga pulong at pagpapatupad ng hakbangin para mabawasan ang pinsalang dulot ng tagtuyot.”

(Mula sa Ang Pulang Larangan, Rebolusyonaryong Pahayagang Masa sa Palawan, Enero-Marso 2024)

AB: Kriminal na kapabayaan ni Marcos sa harap ng El Niño, tinuligsa ng mga NDFP-Palawan