Balita

Krisis sa disempleyo, patuloy na lumalala

,

Muling dumami ang bilang ng mga walang trabahong Pilipino noong Mayo kumpara sa nakaraang dalawang buwan bago nito, batay sa estadistika ng reaksyunaryong gubyerno. Sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority noong Hulyo 6, pumalo sa 2.93 milyon mula sa 2.76 noong Abril. Tumaas din ang bilang ng mga kulang sa trabaho, kahit bahagya itong bumaba noong nakaraang buwan. Kung tutuusin, malayong mas malaki pa ang totoong bilang ng mga ito.

Ayon sa Ibon Foundation, patunay ang muling paglaki ng bilang ng walang trabaho at kulang sa trabaho na hindi pa rin nakabubwelo ang lokal na ekonomya, taliwas sa ipinagmamalaki ng estado.

“Ipinapakita ng pagtaas ng kawalang trabaho at impormal na trabaho na sa kabila ng pagbubukas ng ekonomya at pinalaking paglago (ng ekonomya), patuloy na umiiral ang krisis sa disempelyo” ayon sa grupo. Ipinaliwanag ng grupo na para makatotohanang pasikarin ang ekonomya at agapan ang krisis, kakailanganin ng makabuluhan pamumuhunan dito.

Dagdag pa ng Ibon, kung susuriin ang umiiral na trabaho, karamihan pa rin dito ay nasa impormal na sektor. “May trabaho nga ang mga Pilipino, pero karamihan sa kanila ay nagkakasya sa trabahong walang katiyakan, di regular at di disente.”

Isang patunay na lumalaki ang bilang ng mga nasa impormal na sektor ay paglaki ng bilang ng mga manggawang “self-employed” at mga unpaid family worker. Marami rin ang nasa trabahong “part-time.”

Patuloy na nawawala ang mga trabaho sa agrikultura at pangisda, mga sektor na esensyal na di gaano napailalim sa mahihigpit na lockdown. Sa datos ng estado, 629,000 trabaho ang nawala rito noong Mayo. Bago nito, 1.1 milyon ang nawalang trabaho sa sektor.

“Lalong palalalain ng kawalang estabilidad ng ekonomya ang krisis sa disempleyo,” ayon sa grupo. Hindi sapat ang planong “edukasyon at skills development” para itaas ang “employability” ng mga Pilipino.

Bago nito, pinuna ng Ibon ang “Bongbongnomics” na pagpapatuloy sa nawalan na nang kabuluhang mga neoliberal na ideya na ang “pinakamaayos na estado” ay ang estadong hindi “nakikialam” sa pambansang ekonomya. Kabilang dito ang “pamumuhunan” sa “self-employment” ng mga Pilipino kung saan pababayaan ng estado ang mga manggagawa sa pagsasamantala at pang-aapi sa “libreng merkado.”
Ang mga ito ay mga kaisipang itinulak ng lahat ng mga presidente, kabilang ng diktador niyang ama na nagbangkarote sa ekonomya noong dekada 1980.

AB: Krisis sa disempleyo, patuloy na lumalala