Balita

Labag sa karapatan ng mamamayan ang “no vax, no 4Ps”

, ,

Binatikos ng mga tagapagtanggol ng karapatang-tao, mga organisasyong demokratiko, mambabatas at mga senador ang panukala ng Department of Interior and Local Government na ipagkait sa mga benepisyaryo ng programang 4Ps ng estado ang kakarampot na subsidyo kung hindi sila magpapabakuna.

Sa pahayag ng Karapatan noong Nobyembre 9, sinabi nitong mas maige pang gumawa ang estado ng malawakang kampanya sa impormasyon at edukasyon para kumbinsihin ang mamamayan na magpabakuna kaysa pagkaitan sila ng nararapat sa kanila na ayuda. “Ang pamimilit, pamumwersa at pambabanta sa mamamayan para magpabakuna ay hindi lulutas sa kanilang pagdadalawang-isip at hindi kokontra sa disimpormasyon kaugnay sa pagpapabakuna,” ayon sa grupo.

Iminungkahi ng heneral na si Eduardo Año, kalihim ng DILG, na gawing rekisito ang pagpapabakuna kapalit ng ayudang 4Ps bilang “dis-insentiba.” Bahagi ito ng paghahabol ng rehimen na itaas ang tantos ng populasyon na nabakunahan para pagandahin ang imahe nito sa internasyunal na mga bangko at pautangan. Isa ang Pilipinas sa binansagang may pinakasamang tugon sa pandemya at may pinakamabagal na pagbangon sa mundo.

Liban dito, ginagamit din ng rehimen, katuwang ang mga kapitalista, ang mga iligal na iskema tulad ng “no vax, no pay” at “no vax, no work” para pagkaitan ng karapatan ang mga manggagawa at empleyado sa nararapat sa kanila na kumpensasyon at katiyakan sa trabaho. Noong Nobyembre 9, isinusulong naman ng rehimen ang “no vax, no Christmas bonus,” na sobrang pang-aapi sa mga naghihirap na mga manggagawa.

“May karapatan ang mga indibidwal na tumanggap ng mga prosesong medikal na ayon sa kanilang boluntaryo at may kaalamang pagsang-ayon,” ayon pa sa Karapatan. Hindi dapat ginagamit laban sa kanila ang kanilang pagtangging magpabakuna para pagkaitan sila ng kanilang karapatan sa trabaho, sa pagtanggap ng ayuda at subsidyo mula sa estado, at akses sa mga batayang serbisyo.

“Hamon sa gubyerno ang hindi pagsalig sa pambabanta at pamimilit, kundi sa pagpapakita sa mamamayan na ang mga bakuna ay libre, ligtas at epektibo,” ayon pa sa grupo. Dapat kalakip sa pamamaraan na ito ang paggalang sa kanilang mga karapatan.

AB: Labag sa karapatan ng mamamayan ang “no vax, no 4Ps”