Lagablab Caravan ng Southern Tagalog, dumating na sa UP-Diliman

,

Dumating sa University of the Philippines sa Diliman, Quezon City ang 500 magsasaka at iba pang sektor mula sa Southern Tagalog sa gabi ng Hulyo 19. Mananatili sila sa kampus hanggang Lunes, bago sila lalahok sa People’s SONA na ilulunsad kasabay ng ikatatlong SONA ni Ferdinand Marcos Jr. Mainit na sinalubong ng mga estudyante at iba pang setkor ng UP ang caravan.

Inilunsad ang Lagablab Caravan ng Bagong Alyansng Makabayan-Timog Katagalugan (Bayan-TK) noong Hulyo 18 sa Laguna sa temang “Paglagablabin ang Diwang Makabayan, Isulong ang Interes ng Sambayanan Hindi ng Dayuhan at Iilang Gahaman!” Layunin nitong itambol ang mga isyung kinakaharap ng mamamayan ng Southern Tagalog sa pambansang kabisera.

“Wala sa plano ng rehimeng Marcos Jr-Duterte na tugunan ang lumalalang krisis sa ekonomya katulad ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at mababang pasahod sa mga manggagawa. Isang kasinungalingan at kahibangan ang Bagong Pilipinas ni Marcos Jr,” ayon kay Kyle Salgado, tagapagsalita ng Bayan TK.

Mula Crossing Calamba, tumungo ang karaban sa US Embassy at Japan Embassy para kundenahin ang pagpapakatuta ni Ferdiannd Marcos Jr sa US at tutulan ang Reciprocal Access Agreement sa pagitan ng Japan at Pilipinas.

“Para kina Duterte at Marcos Jr, tayo ay nasa sabungan at kailangan nating pumili: US sa pula, China sa puti. Nasaan ang mga Pilipino doon? Lugi sa pakikipagpustahan. Dapat manindigan tayo sa tunay na independyenteng paakaran sa ugnayang panlabas,” ayon kay Kyle Salgado, tagapagsalita ng Bayan-TK.

Nagtapos ang kanilang pagkilos sa araw na iyon sa harap ng Department of Justice. Dito, iligal na inaresto ng mga pulis si Jojo Reyes matapos ang isang komosyon. Sa gabi ng Hulyo 18, naglamay ang ilang kasama sa karaban sa harap ng Manila Police District Station 5 upang ipanawagan ang kagyat na pagpapalaya sa kanya.

“Naninindigan ang Bayan-TK na walang puwang ang harasment at intimidasyon sa mga payapang ehersisyo ng ating karapatang magpahayag,” ayon sa grupo. “Ang tanging panlaban ng mamamayang nakikibaka ay ating nagkakaisang tinig para sa tunay na demokrasya, soberanya, at higit sa lahat ay katarungan sa ilalim ng rehimeng US Marcos II na pilit itong ipinagkakait sa mga mamamayan.”

Sa umaga ng Hulyo 19, nagtungo naman ang karaban sa upisina ng Ombudsman para ilunsad doon ang isang press conference kaugnay sa kalagayan ng mga tagapagtanggol ng karapatang-tao, terorismo ng estado at paggamit ng mga batas sa terorismo sa rehiyon.

Kasabay nito, nagsampa ng mga kasong sibil at administratibo sina Hailey Pecayo, Jpeg Garcia, Kenneth Rementilla, at Jasmin Rubia laban sa 17 indibidwal, kung saan 14 ay mula sa 59th IB. Sina Pecayo at iba pa ay sinampahan ng 59th IB ng mga kriminal na kaso at kasong paglabag sa Anti-Terorrism Act ng mga elemento ng 59th IB noong nakaraang taon. Sa antas pa lamang ng prosekyutor, ibinasura na ang mga kasong ito.

AB: Lagablab Caravan ng Southern Tagalog, dumating na sa UP-Diliman