Balita

Lider-estudyante sa Cavite, muling pinagbantaan ng NTF-Elcac

,

Muling tinakot at pinagbantaan ng mga pwersa ng estado, sa pangunguna ng National Task Force (NTF)-Elcac, ang lider-estudyante at tagapagtanggol ng karapatang-tao sa Cavite na si Paolo Tarra. Sa ulat ng Defend Cavite, paulit-ulit na pinuntahan ng mga ahente ng NTF-Elcac ang bahay ng kanyang pamilya noong Agosto 4.

Pinagbantaan siya ng mga pwersa ng estado na sasampahan ng kasong “terorismo” gamit ang mapanupil na Anti-Terrorism Act. Anang mga ito, maglalabas sila ng mandamyento de aresto kung patuloy na tatanggi si Tarra na “makipagtulungan” sa kanila. Pinagbantaan din siyang dukutin kung hindi siya aalis sa mga progresibong organisasyon.

Muling tinarget ng NTF-Elcac si Tarra kasunod ng pagdalo niya bilang imbitadong panauhin ni Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel sa ikatlong State of the Nation Address ni Ferdinand Marcos Jr sa House of Representatives noong Hulyo 22. Inungkat rin ng ahensya ang paglahok niya sa mga humanitarian mission na inilunsad para tiyakin ang karapatan ng mga apektadong komunidad at biktima ng abusong militar. Anang mga ahente, nangangahulugan ito ng mas malalim nang ugnayan ni Tarra sa makakaliwang mga grupo.

Hindi ito ang unang pagkakataon na pinagbantaan ang buhay at kaligtasan ni Tarra. Pinuntahan na rin ng NTF-Elcac ang kanyang mga kaanak noong Pebrero, Mayo at Hulyo. Kasabay nito, pinatawan si Tarra ng “non re-admission” ng De la Salle University (DLSU)-Dasmariñas dahil sa diumanoy paglabag niya sa handbook ng unibersidad na nagbabawal sumali at maghikayat na sumali sa mga “hindi kinikilalang” organisasyon sa kampus. Si Tarra ay koordineytor ng Coalition of Concerned Lasallians (CCL) sa DLSU-D.

Liban pa kay Tarra, maraming mga aktibista at tagapagtanggol ng karapatang-tao sa Cavite ang dumanas ng katulad na panggigipit ng NTF-Elcac. Kabilang dito ang mga lider na sina Aries Soledad ng Pamalakaya-Cavite, Nieve Numeron ng Kadamay-Cavite, Rossell Lontoc ng Bayan-Cavite at iba pa. Tinutugis din ng estado maging ang mga pamilya ng mga lider-masa.

“Pinagtitibay ng Defend Cavite ang aming pusisyon na ang gawain ng pagtatanggol sa karapatang-tao ay hindi gawaing terorista. Patuloy naming kukundenahin ang malisyosong tangka ng estado na siraan ang trabaho ng mga aktibista at tagapagtanggol ng karapatang-tao,” pahayag ng grupo.

Kinundena rin nila ang tumitindi ngayong militarisasyon sa mga sentrong bayan ng Cavite. Anila, nagreresulta ito sa dumarami pang mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao.

AB: Lider-estudyante sa Cavite, muling pinagbantaan ng NTF-Elcac