Lider-kababaihan sa Southern Tagalog, minamanmanan at ginigipit ng NTF-Elcac
Kinundena ng Gabriela-Southern Tagalog (ST) ang pagmamanman at panggigipit ng mga tauhan ng National Task Force (NTF)-Elcac sa kanilang pangkalahatang kalihim na si Krizia Cirujano noong panahon ng kapaskuhan.
Ayon sa ulat ng grupo, pinuntahan ng dalawang lalaki na tumangging magpakilala ang bahay ng pamilya ni Cirujano sa Dasmariñas City, Cavite noong Disyembre 19. Ipinakita ng dalawang ahente ang mga bidyo ni Cirujano na nagsasalita sa isang rali at inusisa ang personal niyang impormasyon at maging ng kanyang pamilya.
Pinigilan ng dalawang lalaki ang mga kaanak nang kukunan sana sila ng larawan ng mga kapamilya. “Batbat ng panre-redtag, ang mga elementong ito ng NTF-Elcac ay desperadong [iniuugnay] si Cirujano at ang Gabriela bilang kasapi ng rebolusyonaryong grupong Bagong Hukbong Bayan,” ayon sa Gabriela-ST.
Pagbabahagi ng grupo, hindi ito ang unang beses na pumunta ang mga tauhan ng NTF-Elcac sa bahay ng pamilya ni Cirujano para magmanman at ipailalim sila sa intimidasyon. Noong Hunyo, dalawang beses tinangkang “kausapin” ng mga ahente ng estado gamit ang mga upisyal ng barangay si Cirujano at kanyang pamilya.
Pagdidiin ng Gabriela-ST, si Cirujano ay isang tagapagtanggol ng karapatan ng kababaihan na dating koordineytor ng Gabriela Youth-Cavite. “Siya ay buong panahong kumikilos sa hanay ng sektor ng kababaihan,” ayon pa sa grupo. Nagsisilbi rin siyang paralegal ng bilanggong pulitikal na lider-kababaihan na si Fatima Banjawan na inaresto ng 85th IB sa Camarines Norte noong 2023.
Labis ang takot at pangamba ng grupo para sa seguridad at buhay ni Cirujano dahil marami nang katulad na kaso ng intimidasyon na umantong sa mas matinding pang paglabag sa karapatang-tao. “Pinapatay, sinasampahan ng gawa-gawang kaso, dinudukot, at nire-redtag ang mga aktibista na nagnanais lamang na ipaglaban ang karapatan ng mamamayan,” anang grupo.