Lider-magbubukid sa Rizal, dinukot at itinago ng mga pwersa ng estado

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Dinukot ng mga pwersa ng estado at hindi pa rin inililitaw ang lider-magbubukid na si Melchor Luyao, kasapi ng Katipunan ng Samahang Magbubukid (Kasama)-Rizal, noong Hulyo 9 ng gabi sa Antipolo City. Kasalukuyang inaalam ng mga grupo sa karapatang-tao kung saan dinala si Luyao at anong yunit ng militar o pulis ang dumukot sa kanya. Hindi na makontak ng mga kasama at pamilya ang kanyang numero sa selpon.

Si Luyao, kilala sa katawagang Dodong Bagsak, ay masigasig na katuwang ng mga magbubukid ng Rizal para sa kanilang pakikibaka para sa reporma sa lupa at mga karapatang agraryo. Noong Oktubre 2023, nakaranas si Luyao ng pagbabanta at panggigipit sa mga tauhan ng estado.

Noong Marso, hinanap si Luyao ng isang nagpapakilalang “Francis” at inaalam sa komunidad kung anong tungkulin niya sa pagiging organisador ng mga magbubukid. Dala-dala pa ng taong ito ang mga larawan ni Luyao at ipinakita ito sa mga residente. Hinala ng mga residente na ahente ng estado si “Francis” dahil katulad ang galaw niya sa gawi ng mga tauhan ng NTF-Elcac sa nakaraan.

Sa pahayag ng Kasama-Rizal, sinabi ng grupo na napag-alaman nilang may nakasampang mga kasong illegal possession of firearms and explosives laban kay Luyao. Karaniwang ginagamit ang mga kasong ito para gipitin at ikulong ang mga lider magbubukid at pigilan ang kanilang pakikibaka para sa lupa.

Sa Bulacan noong Hunyo 18 lamang, nireyd at hinalughog ng mga sundalo ng 80th IB at pulis ang bahay ni Ronnie Manalo, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at tagapagsalita ng Tanggol Magsasaka, sa Barangay San Roque, San Jose del Monte City. Sapilitang pinasok ng mga pwersa ng estado ang bahay ni Manalo kahit walang tao. Pinalalabas ng militar at pulis na nakuha dito ang ripleng M16, isang shotgun, granada, laptop, at mga subersibong dokumento.

Samantala, nanawagan ang Karapatan-Rizal sa lokal na gubyerno ng Antipolo City na imbestigahan nito ang pagdukot kay Luyao para mapabilis ang paghahanap at mapanagot ang mga salarin.

AB: Lider-magbubukid sa Rizal, dinukot at itinago ng mga pwersa ng estado