Sugatang Pulang mandirigma ng BHB-Batangas, ipinanawagang ilitaw

Higit 10 araw na ang nakalilipas, hindi pa rin inililitaw ng 59th IB ang sugatang Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Batangas na si Baby Jane Orbe (Ka Binhi). Naiulat na nasugatan si Orbe sa pag-atake ng 59th IB sa Barangay Malala, Balayan, Batangas noong Disyembre 17.

Wala sa katayuang lumaban ang sugatang si Orbe. Sang-ayon sa mga panuntunan ng internasyunal na makataong batas, dapat kilalanin ang kanyang mga karapatan ng katunggaling armadong pwersa. Giit ng BHB-Batangas, tiyak silang nasa kamay ng 59th IB si Orbe.

Ayon pa sa BHB-Batangas, dapat siyang bigyan ng atensyong medikal sa isang ospital, pahintulutang mabisita ng mga kaanak at ng abugado na kanyang pinili para sa ligal na representasyon.

Labis na nangangamba ang BHB at kaanak ni Orbe sa kanyang kaligtasan dahil ang 59th IB ay kilalang talamak na lumalabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas.

Sa talaan ng Ang Bayan, may 56 kaso ng paglabag sa karapatang-tao sa Batangas sa nagdaang taon. Samantala, mayroon nang hindi bababa sa 13 desaparesido sa ilalim ng rehimeng US-Marcos sa kasalukuyan.

“Sa pamilya at mga kaibigan ni Orbe, at sa mga organisasyon ng karapatang-tao, kailangang palakasin ang panawagan na siya ay tratuhin nang akma batay sa internasyunal na makataong batas,” ayon pa kay Ka Gregorio.

AB: Sugatang Pulang mandirigma ng BHB-Batangas, ipinanawagang ilitaw