Lider-manggagawa, ikatlong kandidato pagkasenador ng koalisyong Makabayan
Inianunsyo noong Agosto 2 ni Jerome Adonis, lider-manggagawa, ang kanyang pagtakbo sa pagkasenador sa ilalim ng Koalisyong Makabayan sa darating na halalang 2025. Si Adonis, pangkalahatang kalhim ng militanteng sentrong unyon na Kilusang Mayo Uno (KMU), ang ikatlong kandidato sa ilalim ng Makabayan.
“Buong tapang kong tinatanggap ang hamon ng Makabayan Coalition. (Mahalaga na) tanganan ng mga manggagawa ang ating lakas at tapang para harapin ang laban na ito,” pahayag ni Adonis. Inianunsyo niya ito sa asembleya ng mga manggagawa ng Nexperia Philippines, Inc sa Cabuyao, Laguna kasunod ang matagumpay nilang “strike vote.”
Malugod na sinalubong ng mga manggagawa ng Nexperia Philippines at iba pang mga unyon, pederasyon at demokratikong mga organisasyon ang anunsyo ni Adonis. “Ikinagagalak ng aming unyon na sa aming General Mass Meeting [niya] ipinahayag ang kanyang kagustuhan na tumakbo sa senado,” ayon sa Nexperia Philippines Inc. Workers Union (NPIWU-NAFLU-KMU).
Sa kanyang talumpati, ibinahagi ni Adonis na ang pangunahin niyang bibitbiting plataporma ang isyu ng manggagawa sa nakabubuhay na sahod, pagkakaroon ng pambansang minimum na sahod, karapatan ng mga manggagawa, kasiguraduhan sa pagkain, tunay na bagong pulitika laban sa kurap na pamamahala, at pagdepensa sa pambansang soberanya.
Si Adonis, 52 taong gulang, ay 22 taon nang organisador sa hanay ng KMU. Ipinanganak siya sa Ligao, Albay noong 1972. Panganay siya sa limang magkakapatid at naging katuwang ng kanyang mga magulang sa pagtataguyod sa kanila. Pagbabahagi niya, nilisan ng kanyang pamilya ang Bicol dahil sa matinding militarisasyon dito noong panahon ng diktadura ng rehimeng Marcos I.
Sa edad na 16, nagtrabaho siya sa konstruksyon at sa isang pagawaan ng karton. Kasunod nito ay nagtrabaho siya sa PNO Electro-Industrial Corporation, isang pagawaan ng semiconductor sa Pasay City. Dito niya naranasan ang pambabarat sa sahod bunga ng pagsasabatas ng Wage Rationalization Act of 1989 (Republic Act No. 6727).
Noong 1992, nagtrabaho siya bilang konduktor ng bus sa Pasvil-Pascual Liner Incorporated. Dito siya napabilang sa PASVIL/Pascual Liner Inc. Workers Union-NAFLU-KMU na naglunsad ng isang welga noong 1995 laban sa mapagsamantala at mapanupil na mga patakaran nito.
Dahil sa karanasan bilang unyonista at welgista, nagpasya si Adonis na maging buong-panahong organisador sa hanay ng KMU noong 2002. Mula noon ay tumangan na siya ng iba’t ibang pusisyon sa sentrong unyon at naging mahigpit na katuwang ng mga manggagawa sa kanilang mga kampanya at pakikibaka. Itinampok niya ang laban ng mga manggagawa hanggang sa ibang mga bansa sa mga internasyunal na mga pagtitipon at kumperensya.
Si Adonis ay dagdag na sa naunang dalawang kandidato ng koalisyong Makabayan na nagdeklara ng pagtakbo sa pagkasenador. Makakasama niya dito si ACT Teachers Partylist Representative Teacher France Castro at Gabriela Women’s Party Representative Arlene Brosas.
Matatandaang ipinahayag ng Makabayan ang pagbubuo nito ng “oposisyon ng bayan” sa darating na halalan upang bitbitin ang tunay na interes ng mamamayan sa harap ng matinding krisis sa ekonomiya at pulitika sa bansa.
Sigaw ng mga manggagawa at demokratikong mga samahan: “Adonis sa Senado, Manggagawa. Progresibo!”