Lokal na asosasyon ng mga mangingisda sa Iloilo, ginigipit ng 3rd ID
Binatikos ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya)-Panay ang panggigipit ng mga sundalo ng 3rd ID sa mga mangingisdang kasapi ng Asosasyon sang Magagmay nga Mangingisda sa Santiago (AMMS) sa Barangay Santiago, Barotac Viejo, Iloilo noong Agosto 18.
Ayon sa Pamalakaya-Panay, pumasok at nag-operasyon sa Sityo Dalusan ang 3rd Civil-Military Operations Battalion ng 3rd ID sa araw na iyon. “Kinuha ng militar ang pangalan ng mga myembro at upisyal ng AMMS at mga papeles nito,” ayon sa grupo. Ipinatawag din ng mga sundalo ang mga kasapi ng asosasyon sa barangay hall para kolektahin ang mga datos na ito.
Kinundena ng Anakbayan-Panay ang anito’y militarisasyon ng mga komunidad at kanayunan. “Ang kahingian ng mga mangingisda natin ay ayuda at subsidyo dahil sa epekto ng habagat at nagdaang ‘close season’… ngunit ang naging tugon ng gubyerno sa kanilang panawagan ay militarisasyon,” anito.
Ang sektor ng mga mangingisda ay isa sa pinakamahihirap sa bansa. Kinahaharap nila ang bumabagsak na huli dahil sa napakamahal na gastos para sa pangingisda bunga ng implasyon, na pinalulubha ng kawalan ng suporta ng gubyerno. Dagdag sa kanilang pagdurusa ang kawalang paghahanda ng estado sa mga kalamidad.
Ang pagpapabaya ng rehimeng Marcos sa sektor ng mga mangingisda ay sinasalamin ng kanyang panukalang badyet para sa 2025. Kabilang dito ang karampot na ₱50 milyong subsidyo sa petrolyo ng mga mangingisda o aabot lamang sa 16,000 mangingisda (0.6% lamang ng higit 2.7 milyong rehistradong mangingisda sa bansa).
“Ang patuloy na pagbagsak ng produksyon ng isda ay sumasalamin sa kahirapang dinaranas ng mga mangingisda, at sa aming higit na pangangailangan para sa kongkreto at regular na suporta mula sa pamahalaan,” pahayag ni Pamalakaya-Pilipinas vice chairperson at kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan na si Ronnel Arambulo.