Balita

Mababang presyo ng mais sa anihan, kalbaryo ng mga magsasaka

“Wala pa tayo sa rurok ng anihan, mabilis nang bumabagsak na ang presyo ng mais!” Ito ang malaking ikinababahala ng mga magsasaka na nagtatanim ng dilaw na mais sa Cagayan Valley ngayong panahon ng anihan.

Sa ulat na inilabas ng Danggayan Cagayan Valley (Alyansa ng mga Magsasaka sa Lambak ng Cagayan), nasa ₱7/kilo lamang ang bilihan ng regular na mais sa Lasam, Cagayan; ₱10/kilo sa San Mariano, Ilagan, Roxas at ₱10.50 sa San Guillermo. Sa Gattaran, ₱11.50/kilo ang bilihan ng regular na mais habang ang “good & dry” (may mababang moisture content) ay ₱15-17.50/kilo lamang.

Nasa ₱17/kilo naman ang bilihan sa Cotabato (mula ₱25/kilo bago ang anihan), gayundin sa Bukidnon at Maguindanao. Sa Zamboanga ₱17-₱19 ang kilo mula ₱20/kilo. Sa ibang bahagi ng BARMM, nasa ₱16 lamang ito mula ₱26-P27 bago ang anihan. Tinataya ng mga magsasaka na babagsak pa ang mga presyo sa kasagsagan ng anihan.

“Nakaligtas tayo sa army worm, sobrang hangin, baha at katatapos lang tamaan ng El Nino, pero di tayo makaligtas sa barat na presyo ng mais,” reklamo ng mga magsasaka. Kinundena nila ang pambabarat ng mga komersyante pagsapit ng anihan. Anila, halos hingin na lang ng mga ito ang kanilang produkto.

Kalbaryo sa kanila ang napakababang bilihan lalupa’t walang awat ang pagtaas ng gastos nila sa produksyon. Umaabot nang P64,000 kada ektarya ang kailangan nilang kapital para makapagtanim. Kadalasan, inuutang nila ang halagang ito sa napakataas na interes na 30-40%.

“Halos 80% ng gastos natin ay sa binhi, abono at labor,” ayon sa Danggayan. “Ang inuutangan natin ang siya ring bumibili ng ating mais sa presyo at klasipikasyong tinatakda nila. Ang binibili sa atin na P16/kilo good & dry, ibebenta naman nila ng P50/kilo sa malalaking planta ng feeds sa Bulacan at Maynila. Nasaan ang hustisya sa presyo ng mais ngayon?”

Pangalawang pinakamalawak na pananim ang mais sa Pilipinas. Mahigit 500,000 pamilyang magsasaka na nagtatanim ng mais sa halos 2.5 milyong ektarya. Ang 72% ng mais na tanim nila ay yellow corn na sangkap ng pakain ng baboy, manok at isda. Ang Cagayan Valley (Isabela) at Northern Mindanao (Bukidnon) ang may pinakamalaking produksyon ng mais.

Liban sa yellow corn, nagtatanim din white corn ang mga magsasaka na ginagamit naman bilang sangkap ng cornstarch, binatog at kornik. Kinakain din ito bilang panghalili sa bigas.

AB: Mababang presyo ng mais sa anihan, kalbaryo ng mga magsasaka