Balita

Mag-amang Rodrigo at Sara Duterte, sinipa sa National Security Council

Tinanggal ni Presidente Ferdinand Marcos Jr si Bise Presidente Sara Duterte bilang kasapi ng National Security Council (NSC) at upisyal ng komiteng tagapagpaganap nito alinsunod sa pinirmahan niyang Executive Order (EO) No. 81. Ang pagsipa kay Duterte ay itinago sa pagdadahilang “hindi na importante” ang bise presidente sa NSC.

Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), nagpapakita ito ng tumitinding banggaan ng paksyong Duterte at Marcos. Naniniwala ang Bayan na sinuman ang maupo sa konseho ay hindi makaaasa ang mamamayang Pilipino ng kahit anong tunay na pagbabago dahil ipinagtatanggol nito ang bulok na status quo laban sa interes ng mamamayang Pilipino. Anito, mananatili ang balangkas sa seguridad ng NSC na nakaayon sa imperyalistang interes at magpapatuloy ang mga paglabag sa karapatang-tao.

Pinirmahan noong Disyembre 30, 2024, ngunit isinapubliko lamang noong Enero 3, ang EO 81 o “Reorganizing the National Security Council” na nagtanggal kay Sara Duterte at sa dating mga pangulo mula sa konseho, kabilang ang kanyang amang si Rodrigo Duterte. Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, layunin ng kauutusan na “i-reorganisa at i-streamline ang kasapian ng NSC.”

Pahayag ni Bersamin, hindi na itinuturing na importante ang bise presidente sa mga responsibilidad sa NSC. Kung kakailanganin, mayroon namang kapangyarihan ang presidente alinsunod sa EO na magdagdag ng mga kasapi o tagapayo.

“Ang pagtanggal kay Duterte at dating mga pangulo ay sumasalamin sa lumalawak na bitak at tumitinding mga kontradiksyon sa pagitan ng mga paksyong Marcos at Duterte habang papalapit ang bansa sa eleksyong mid-term,” ayon kay Renato Reyes Jr, presidente ng Bayan. Dagdag pa niya, maaaring senyales rin ang pagsibak sa takot ng posibleng bitak sa hanay ng militar.

Matatandaan na kinontra ng NSC ang naging “pagbabanta” ni Sara Duterte sa buhay ni Marcos noong Nobyembre 2024. Saklaw ng pambabanta ni Duterte hindi lamang si Marcos, kundi pati ang asawa niyang si Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez.

Ipinasa rin ng EO 81 ang kapangyarihan ng pangulo na magtalaga ng ikalawang mga tagapagsalita para sa Luzon, Visayas at Mindanao na magiging kasapi ng NSC, tungo sa House Speaker. Huling itinakda ang organisasyon ng NSC sa panahon ng pagkapangulo ni Gloria Macapagal Arroyo noong 2001.

AB: Mag-amang Rodrigo at Sara Duterte, sinipa sa National Security Council