Magkokopras sa Quezon, iligal na inaresto
Iligal na inaresto ng mga pwersa ng estado ang magkokopras na si Roberto Mendoza noong Setyembre 1 sa Barangay Silongin, San Francisco, Quezon. Winasak rin ng mga pulis ang dingding ng koprahan matapos itong halughugin. Walang kahit anong mandamyentong ipinrisinta ang mga nang-aresto. Si Mendoza ay ama ng tagapagtanggol ng karapatang-tao na si Lieshel Mendoza na ginigipit ng 85th IB.
Kinundena ng Tanggol Quezon ang iligal na pag-aresto kay Roberto. Anito, malinaw na taktika ito ng 85th IB at mga pulis para takutin at pilit pasukuin si Lieshel. Sinampahan ng estado ng gawa-gawang kasong paglabag sa Anti-Terrorism Act of 2020 at The Terrorism Financing Prevention And Suppression Act of 2012 ang nakababatang Mendoza. Pinararatangan siyang kasapi ng armadong kilusan.
“Sina Lieshel at Roberto ay mga ordinaryong magsasakang nagtatrabaho nang marangal at naninindigan sa kanilang karapatan. Walang dapat na isuko ang mga Mendoza,” anang grupo.
Isinampa ang kasong “terorismo” laban kay Lieshel at kasama nitong si Yulesita Ibañez, isa ring tagapagtanggol ng karapatang-tao, noong Enero. Sunud-sunod na ginamit ang mga kasong ito sa nagdaang mga buwan para gipitin ang mga aktibista at progresibo.