Magsasaka, pinaslang ng militar sa Masbate

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Pinaslang ng mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang sibilyan na si Boyet Rodrigo sa Barangay Miabas, Palanas, Masbate noong Hunyo 23. Pinalalabas ng militar na napaslang ito sa isang engkwentro sa Bagong Hukbong Bayan (BHB). Sa tala ng grupong Karapatan-Masbate, si Rodrigo ang ika-31 biktima ng ekstra-hudisyal na pagpaslang sa prubinsya sa ilalim ng rehimeng Marcos.

Ayon sa mga residente, ipinatawag si Rodrigo ng mga sundalong nagpanggap na mga mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa isang abandonadong bahay at doon pinagbababaril. Nakumpirma nilang mga sundalo ng AFP ang mga ito nang pinagbantaan ang mga upisyal ng barangay na papatayin kung hindi pipirma sa kasulatang nagpapatotoong may engkwentrong naganap sa lugar.

Ang pamamaril at pagpatay ng mga sundalo kay Rodrigo ay tahasang paglapastangan sa mga internasyunal na makataong batas, mga alituntunin sa digma at iba pang internasyunal na deklarasyon na nagbibigay ng proteksyon sa mga sibilyan at di-kombatant saan man may armadong sigalot.

Ipinagbabawal sa ika-32 Artikulo ng Fourth Geneva Conventions ang anumang hakbang na magreresulta sa pagdurusang pisikal o pagpuksa sa mga taong nasa ilalim ng proteksyon nito. Labag din ito sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na pinirmahan ng Gubyerno ng Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines.

Liban dito, napwersa ang mga residente ng baryo at iba pang karatig barangay na magbakwit dahil sa takot na gawing target ng mga sundalo. Labis na troma ang idinulot ng mga ito sa mga magsasaka laluna sa mga bata at matatanda. Lalo pa silang nangamba dahil ang lupa sa Barangay Miabas ay inaagaw mula sa kanila ng mismong gubernador ng Masbate na si Gov. Kho.

Samantala, kinudena ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM)-Masbate, rebolusyonaryong samahan ng mga magsasaka, ang kainutilan ng Department of Agrarian Reform (DAR)-Masbate sa harap ng mga pagpatay sa mga magbubukid sa prubinsya at maraming kaso ng pangangamkam ng lupa.

Anang grupo, deklaradong layunin ng reaksyunaryong reporma sa lupa sa Masbate ang mabawi ng gubyerno ang mga lupang ipinaglabang mapasakamay ng mga magsasaka at kanilang kilusan. Itinalaga pa ang kontra-komunistang dating upisyal ng Philippine National Police na si Theodore Sindac bilang panrehiyong direktor ng DAR sa Bicol.

“Kahiya-hiyang para sa rantsero niyang interes, tahasang binabalewala mismo ng gubernador ng prubinsya kahit ang sariling programang agraryo ng rehimen—patunay na walang patutunguhan ang mga magsasaka sa bulok na reporma sa lupang isinusulong ng reaksyunaryong estado,” ayon sa PKM-Masbate.

Sa harap nito, ipinahayag ng PKM-Masbate na hindi ito magmamaliw sa pag-oorganisa sa libu-libong magsasakang Masbatenyo. Tuluy-tuloy umano nilang ipababatid sa masang magsasaka na tanging sa pamamagitan lamang ng paglahok sa digmang bayan at pagsusulong ng rebolusyong agraryo tunay na makakamit ang rebolusyonaryong reporma sa lupa.

AB: Magsasaka, pinaslang ng militar sa Masbate