Balita

Magsasaka sa Northern Samar, pinatay ng 74th IB

,

Pinatay sa walang-patumanggang pamamaril ng mga sundalo ng 74th IB ang magsasakang si Pido Mendes sa Barangay San Jose, Mapanas, Northern Samar noong Nobyembre 22. Nasa kasagsagan noon ng isang focused military operation ang naturang yunit militar na nakapailalim sa kumand ni BGen. Noel Vestuir ng 802nd Bd.

Si Mendes, humigit-kumulang 60-taong gulang, ay malaon nang tinutugis ng mga sundalo matapos magtago mula nang makatakas sa pagkakahuli sa kanya ng mga elemento ng 34th IB noon pang 2013. Simula noon, iniwasan na niya na pumunta ng sentrong bayan at tumitira sa kanyang sakahan para iwasan ang mga sundalo.

Isa lamang si Mendes sa maraming magsasaka na napilitang magtago sa takot na hulihin ng mga sundalo, itago sa kampo militar at ipailalim sa matinding tortyur. Umiiwas din siyang mahuli para hindi magamit laban sa sambayanan at rebolusyonaryong kilusan.

Ayon sa mga ulat ng BHB-Northern Samar, marami nang mga magsasaka ang piniling magtago at magpalipat-lipat ng hanapbuhay para umiwas sa mga sundalo. Iniwasan din nila ang mga pekeng pangako ng kapanatagan sa “pagsurender” o “pagpapa-clear” ng pangalan sa militar. Saksi ang mga residente sa marami nang magsasakang naloko sa pangakong pera na matatanggap kung isusuplong ang kababaryo o base ng hukbong bayan at ipahamak sila.

Liban pa, malayong-malayo sa kapanatagan at payapang pamumuhay ang natamo ng mga “sumurender.”. Takot at pangamba ang epekto sa kanila dahil nililimitahan ng mga sundalo ang kanilang kilos at paghahanapbuhay. Higit dito, hindi na sila pinagkakatiwalaan ng kanilang mga kababaryo.

Ayon kay Ka Amado Pesante, tagapagsalita ng BHB-Northern Negros (Rodante Urtal Command), “kailangang alalahanin ang lahat ng biktima ng paglabag ng karapatang-tao…kailangang singilin at pagbayarin ang mga sangkot na elemento ng AFP-PNP sa ilalim ng direksyon ng 8th ID sa kanilang walang-patumanggang paglapastangan sa karapatang-tao.”

Kaugnay nito, marapat na suportahan ng mamamayan ng Northern Samar ang muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at Government of the Republic of the Philippines (GRP) na layuning pag-usapan ang paglutas sa mga ugat ng armadong paglaban ng sambayanan at kamtin ang hustisya at pangmatagalang kapayapaang hiling ng sambayanan.

Suportado niya ang panawagang tanggalin ang mga sagka sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan kabilang ang pagpapalaya sa 12 konsultant ng NDFP, ang pagtanggal sa “terrorist-designation” sa CPP-NPA-NDFP, pagpawalambisa sa mga kautusang Executive Order No 70 at Memorandum Order No 32 ni Duterte na nagpailalim sa kanayunan sa paghaharing-militar, pagbuwag sa NTF-ELCAC, pagtakwil sa “localized peace talks” ng RCSP at ang pagpapatigil sa walang-patumanggang pag-atake ng mga focused military operation na suportado ng mga pambobomba at panganganyon sa mga sakahan.

Ang Northern Samar ay kabilang sa mga prubinsyang sinasaklot ng de facto na batas militar sa ilalim ng limang taong pagpapatupad ng MO 32 na sumasaklaw sa isla ng Samar at Negros, at mga prubinsya sa Bicol.

AB: Magsasaka sa Northern Samar, pinatay ng 74th IB