Balita

Makabayan-NCR, magpapatakbo ng mga kandidato sa mga lokal na konseho

,

Inianunsyo ng Makabayan-National Capital Region (NCR), ang kahandaan nitong magpatakbo ng mga kandidato sa lokal na mga konseho sa rehiyon. “Mula Senado hanggang konseho, taumbayan ipanalo!” ang panawagan nito, sa isinagawang pulong pambalitaan kahapon.

“Sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, iniinda ng mga manggagawa, laluna ng mga nasa sektor ng transportasyon at paggawa, ang mapagsamantalang mga patakaran at lumalalang kalagayang sosyo-ekonomiko,” pahayag ng grupo. “Malinaw na may kagyat na pangangailangan na ituwid ang mga inhustisya at ipatupad ang mga patakaran na mag-aahon at hindi maglulugmok sa ating mga manggagawa sa kahirapan.”

Anito, ipaglalaban ng kanilang mga kandidato ang mga repormang kapaki-pakinabang sa mga manggagawa at kabataan. “Dadalhin nila ang platapormang nakasentro sa mga karapatan sa paggawa, reporma sa pampublikong transportasyon, at sa pagbibigay ng kapangyarihan sa mga mahihirap na komunidad.”

Idadaos ang Makabayan NCR Regional Assembly sa Setyembre 20, isang linggo bago ang pambansang asembliya ng koalisyon. Dadaluhan ito ng mga manggagawa, kabataan at mga sektor mula sa pambansang kabisera.

AB: Makabayan-NCR, magpapatakbo ng mga kandidato sa mga lokal na konseho