Balita

Mapangwasak na operasyon ng Apex Mining, tuluy-tuloy sa kabila ng trahedya

, ,

Walang patid ang operasyong pagmimina ng Apex Mining Corporation Inc. ni Enrique Razon Jr, sa kabila ng naganap na landslide noong Pebrero 6 sa saklaw nitong erya sa Barangay Masara, Maco, Davao de Oro.

Ayon sa huling balita, 68 nang manggagawa ng kumpanya ang nahukay na patay mula sa gumuhong lupa, habang higit 51 pa ang nawawala. Sinasabing dagdag sa terminal ng bus at barangay hall, may 55 hanggang 60 pang bahay ang natabunan ng lupa. Wala pang inilalabas na aktwal na bilang ang lokal na gubyerno hanggang ngayon. Nasa 1,637 pamilya or 6,356 indibidwal naman ang apektado ng sakuna mula sa apat na barangay (Elizalde, Mainit, Masara at Tagbaros) ng Maco. Nakatigil sila ngayon sa 13 evacuation center sa Maco at Mawab.

Inamin ng kumpanyang Apex noong Pebrero 12 na nasa 50% hanggang 80% ang paggana ng operasyon nito mula Pebrero 7. Taliwas ito sa unang pahayag ng kumpanya na “limitado” ang mga operasyon para “makapagpokus ng lakas-paggawa” sa “pagsuporta” sa mga pagsisikap na salbahin ang mga manggagawang natabunan ng lupa.

Ipinagmalaki rin nito ang barya-barya at isahang pagbibigay na ₱300,000 halaga ng mga relief item sa mga empleyado nito at kanilang mga pamilya. Nagtala ang kumpanya ng ₱2.306 bilyong netong kita noong unang siyam na buwan pa lamang ng 2023. (Samantala, naiulat ng DSWD na nakapag-abot na ito na relief at ayudang nagkakahalaga ng ₱2,296,835.00 mula Pebrero 7 hanggang Pebrero 12.)

Hanggang ngayon, walang upisyal na kumpirmasyon ang Apex kung ilang manggagawa nito ang natabunan ng lupa o anu-ano ang kanilang mga pangalan, kahit pa hiningi ito ng mga mamamahayag mula nang magsimula ang rescue operations. Iwas na iwas ang mga upisyal nito na iugnay ang iba pang mga biktima sa kumpanya.

Isang istasyon ng radyo ang nagbalitang agad na binayaran ng Apex ang mga pamilya ng biktima, kasabay ang mga lokal na upisyal ng barangay, para pigilan silang magsalita at maggiit ng hustisya. Pagdadahilan ng Apex, hindi saklaw ng kanilang operasyon ang erya dahil isang kilometro ang layo nito sa isang “aktibong mina.” Gayunpaman, ang terminal ng bus na pag-aari ng kumpanya ay 500 metro lamang ang layo mula sa tarangkahan ng kumpanya.

Sa kabila ng malinaw na bakas ng pagwasak sa natural na tereyn na idinudulot ng pagmimina at papel nito sa pagkalbo ng mga gubat, agad na ipinagtanggol ng Mines and Geosciences Bureau ang Apex-XI at sinabing “walang kinalaman” ang pagmimina ng Apex sa naganap na landslide. Ayon sa ahensya, ang salarin ng pagguho ay ang “klase ng lupa, ulan at kalikasan ng dahilig.”

Isinisi pa ng lokal na gubyerno dito sa mga biktima ang trahedya dahil sa pagtatayo nila ng mga bahay sa deklarado diumanong “no build zone.” Katakataka, gayong nasa lugar ding ito nakatayo ang barangay hall at terminal ng bus ng Apex. Ayon sa mga balita, ang mga bahay sa Purok 1 ay ginagamit ng mga manggagawa ng Apex at kanilang mga pamilya bilang “transient housing.”

Mahaba ang kasaysayan ng pagguho ng lupa sa Davao de Oro (dating Compostela Valley), at Masara mismo, matapos ang malalakas at matatagal na pag-ulan. Noong Agosto 2007, 10 ang namatay nang gumuho ang lupa sa isang parte ng barangay. Noong Setyembre 2008, dalawang landslide ang naganap sa eksaktong parehong lugar na kasalukuyang gumuho sa Masara, sanhi na pagkamatay ng 24, pagkasugat ng 31, at sapilitang paglipat ng 279 pamilya. Nasira na rin noon ang parehong barangay hall, at 83 kabahayan ang natabunan ng lupa. Noon, idinahilan rin ng Apex na “wala sa kanilang erya ng operasyon” ang mga landslide dahil tatlong kilometro ang layo nito sa kanilang “aktibong mina.”

Kasaysayan ng pangwawasak at pandarambong

Mula pa 1976 pa may pagmimina ng Apex sa Maco. Nagsimula ito bilang maliitang pagmimina hanggang 1989. Noon pa man, notoryus na ito sa mababang pasahod at di ligtas na kundisyon sa paggawa. Noong 2000, tuluyang nagsuspinde ito ng operasyon. Bumalik ito bilang malakihang pagmimina sa ilalim ng pangangasiwa ng mga dayuhang kumpanyang Goldridge Mining Corporation (kumpanyang US), Viclode Mining Corporation, at Mintricor Inc. noong 2003. Binili ang minahan ng Crew Gold (noo’y kumpanyang Canadian) noong 2009, na nagbenta naman sa ASVI (Malaysia) noong 2009. Noong 2013, binili ito ng Monte Oro ni Razon at kanyang mga kasosyong kumprador.

Ang erya na kasalukuyang minimina ng Apex ay nakapailalim sa iba’t ibang Mining/Lode Lease Contract mula pa 1994. Noong 2005, ibinigay sa kumpanya ang MPSA-225-2005-XI na sumaklaw sa 679.02 ektarya sa magkanugnog na mga barangay na Masara at Teresa. Pinalawak ang saklaw ng mina nang igawad dito ang MPSA-234-2007-XI noong 2007.

Binigyan ito ng 1,558.53 ektaryang sa magkanugnog na barangay ng Masara, Mainit, Tagbaros, New Leyte, Elizalde at New Barili sa Maco at ilang bahagi ng katabing bayan ng Mabini. May bisang 25 taon, na pwedeng palawigin ng dagdag na 25 taon ang dalawnag MPSA. Ibig sabihin, may karapatan ang kumpanya na hukayin ang lupa at hakutin ang ginto rito hanggang 2030 at 2032. Tinatayang makakakuha sa saklaw ng dalawang MPSA ng 1,250,000 onse ng ginto.

Kapalit ng pagdambong ng likas na yaman, hanggang 4% na excise tax lamang ang ibinabayad ng kumpanya na buwis sa reaksyunaryong estado. Kakarampot naman na 1% sa lokal na gubyerno at tribu. Ang naturang mga lugar ay lupang ninuno ng mga Mansaka.

Noong Abril 10, 2014, sinalakay ng mga Pulang gerilya sa ilalim ng BHB-SMR ang Apex bilang parusa sa malawakang pinsalang dala nito sa mga komunidad ng mga Lumad at sa kapaligiran. Kabilang noon sa mapangwasak na operasyon ng Apex ang patuloy na pagpapalawak ng mga underground at open-pit mining nito sa lugar, sa kabila ng paulit-ulit na pagbabala ng rebolusyonaryong kilusan laban dito.

Nagpalawak rin ito ng operasyon at paghuhukay ng lupa sa natitirang kagubatan sa Maco, na idineklarang protektado ng rebolusyonaryong mamamayan sa lugar. Kabilang sa iba pang kasalanan ng Apex ang 1) hindi pagbibigay ng danyos sa mga biktima ng dalawang landslide noong 2007 at 2008, 2) mababang pasahod at arbitraryong pagsisante ng mga manggagawa nito, 3) kabiguang i-rehabilitate ang mga ilog at tulay sa Maco na ipinangako nito sa residente ng Maco, at 4) aktibong pagpopondo sa mga operasyong kombat ng 9th IB na nakadeploy noon sa prubinsya.

Malinaw na ipinahayag ng BHB noon na ang mga landslide sa Maco sa magkasunod na taon ay dulot ng malawakang pangwawasak ng Apex sa kagubatan at kalupaan, na una nang nagdulot ng dislokasyon ng buu-buong komunidad ng mga Lumad at magsasaka mula pa dekada 1970.

AB: Mapangwasak na operasyon ng Apex Mining, tuluy-tuloy sa kabila ng trahedya