Mapangwasak na pagmimina sa Surigao del Norte, minamadaling simulan ng Philex

,

Mapangwasak na pagmimina sa Surigao del Norte, minamadaling simulan ng Philex

Inianunsyo kamakailan ni Manuel Pangilinan, pinuno ng Philex Mining Corporation, na matutuloy na ang pagbubukas ng kumpanya nitong Silangan Mindanao Mining Co. Inc. (SMMCI) sa dambuhalang minahan nito sa Surigao del Norte sa unang kwarto ng 2025. Minamadali na itong buksan ng Philex dahil sinasabing masasaid na ang pinakamalaking minahan nito (Padcal) sa Tuba, Benguet ngayong taon. Ang Philex ay pag-aari ng First Pacific Corporation Inc ng pamilyang Salim ng Indonesia.

Bago bilhin ng First Pacific Co Ltd ang Philex noong 2009, pinamunuan ito ni Walter Brown ng A. Brown Co. Inc.

Ginawa ang pag-aanunsyo matapos mabuo ang halos $2.2 bilyong kapital na gagamitin sa operasyong pagmimina. Nagmula ang $2 bilyon mula sa JP Morgan, isang dambuhalang kumpanya sa pinansya mula sa US, at Mizuho Financial Group Inc ng Japan. Ang $170 milyon naman ay inutang nito sa iba’t ibang bangko, kabilang ang $70 milyon mula sa Philippine National Bank at dalawa pang lokal na bangko.

Noong pang 2017 target buksan ang Silangan Gold and Copper Project, pero inabot ito ng pakitang-taong moratoryum laban sa open-pit mining ng rehimeng Duterte. Noong 2019, nabigyan ito ng go-signal nang ibasura ni Duterte ang ganoong moratoryum. Muling tinarget na buksan ang mina noong 2022 pero kinapos ng kapital dahil sa “instabilidad” sa prubinsya. Kabilang sa mga “sagabal” sa pagbubukas ng mina ang malawakang pagtutol ng mga residente, laluna ang sa mga komunidad na iinda ng masamang epekto ng pagmimina. Kilala rin ang prubinsya sa puspusang armadong paglaban ng Bagong Hukbong Bayan, laluna kontra sa mapaminsalang pagmimina.

Ang Silangan Gold and Copper Project ay kabilang sa “Big Three” o tatlong pinakamalalaki at pinakamapangwasak na proyektong pagmimina na nakatakdang buksan sa susunod na mga taon. Ang dalawa pa ay ang Tampakan Gold Project sa South Cotabato at King-king Gold Project sa Compostela Valley (Davao de Oro).

Gaano kalawak ang Silangan Gold and Copper Project?

Saklaw ng Silangan Gold and Copper Project ang halos 8,000 ektaryang lupang agrikultural, kagubatan at kabundukan sa Placer, Tagana-an, Tubod, at Sison, lahat sa Surigao del Norte. Bahagi nito ang Maniayao Highlands, sa ibabaw ng Lake Mainit, na pinakamalalim at pang-apat na pinakamalaking lawa sa buong bansa. Malaki ang papel ng Maniayao Highlands sa pagsalag sa mga bagyo at baha na regular na dinaranas ng prubinsya.

Binigyan ng reaksyunaryong gubyerno ang Philex Mining noong 1999 ng isang Minerals Production and Sharing Agreement (MPSA) na sumasaklaw sa tatlong mining tenement na may orihinal na lawak na 2,800 ektarya pero napaliit tungong 2,323 ektarya noong 2016. Noong 2002, binigyan ito exploration permit (EP) sa higit 11,000 ektarya, na pinaliit naman tungong 5,000 ektarya noon ring 2016. Kasosyo nito ang Anglo-American Exploration, isang kumpanya sa mina na nakabase sa United Kingdom, sa eksplorasyon. “Nadiskubre” ng mga ito ang Boyongan at Bayugo deposits, na parehong nasa Barangay Timamana sa Tubod, noong 2000. Liban dito, kasosyo rin ng Philex ang Manila Mining Corp (subsidyaryo ng Lepanto Mining Corp) sa pagmimina sa katabing Kalayaan deposits.

May bisa ang MPSA ng Philex sa mga deposito ginto at tanso sa Boyongan at Bayugo hanggang 2049. Sinasabing matatagpuan sa Boyongan ang isa sa pinakamalaking reserba ng tanso sa buong mundo. Mayroon din umano itong reserbang 9.6 milyong onse ng ginto. Ayon sa kumpanya, makahuhukay ito ng 571 milyong toneladang batong mineral, kung saan 0.63% ng bawat tonelada tanso, at maglalaman ng 1.2 gramo ng ginto. Oras na mabuksan, ito ang magiging pinakamalaking minahan ng Philex. Tinatayang aabot sa $7 bilyon ang maibebenta nitong batong mineral sa susunod na 28 taon.

Noong 2015, nagsumite ng aplikasyon ang Philex para sa open-pit mining dahil di umano angkop ang ibang metodo ng pagmimina, tulad ng block-caving, sa lugar. Pero noong 2019, sinubukan nitong ikutan ang pagbabawal sa open-pit mining sa pamamagitan ng pagsasabing gagamit ito ng metodong sub-cave mining (paghuhukay ng relatibong mabababaw na butas sa bundok). Sa isinumite nitong “independyenteng pagtatasa sa epekto sa kapaligiran” noong 2019, pinalabas ng Philex na “bahagyang mababawasan” ang masasamang epekto ng pagmimina gamit ang metodong ito kumpara sa open-pit mining at block-cave mining (paggawa ng malalalim na tunnel sa ilalim ng lupa).

Wala pang ECC (environment compliance certificate) ang kumpanya para sa metodong ito.

Pagkawasak sa kapaligiran, kabuhayan at buhay ng mamamayan

Hindi maitatanggi na magiging masaklaw at matagalan ang epekto ng pagmimina sa lugar. Sa sariling ulat ng Philex Mining noong 2019, nabanggit nito ang sumusunod:

1) Sasaklawin ng proyekto ang 532 ektaryang lupang agrikultural na mga niyugan at palayan. Produktibo ang lupa na ito at pinagkukunan ng kabuhayan ng di bababa 10 barangay. Nakakategorya bilang “critical area” ang kalupaang sakop ng proyekto dulot ng katangian ng mga dahilig nito at presensya ng pinagkukunan ng tubig (water resources).

Tinatawag na “geologically active area” ang lugar ng proyekto na mayroong hindi bababa sa limang trench at fault line (biyak sa lupa). Sa gayon, bulnerable ito sa lindol at pagguho ng lupa. Katulad ito ng pagkakategorya sa mga bayan ng Compostela Valley (Davao de Oro) na sinaklaw rin ng pagmimina ng Apex Mining Corp. Inc at nagresulta sa malakihang pagguho ng lupa noong Pebrero.

Magubat pa ang ilang bahagi na saklaw ng proyekto, laluna sa bandang mga barangay Marga at Motorpool sa Tubod, kahit pa lubha na itong “nadistorbo” dulot ng deka-dekadang pagtotroso at pagtatanim ng mga komersyal na falcatta.

2) Banta sa katubigan sa lugar ang posibleng pagtagas ng itatayong tailings storage facility (TSF) o imbakan ng nakalalasong basura ng mina. Bulnerable ang gayong pasilidad sa pagguho ng lupa at lindol. (Matatandaang naganap ang pinakamalalang pagtagas ng TSF sa Pilipinas sa minahan ng Philex sa Padcal noong 2012.)

3) Kakalbuhin at papatagin ang kalupaang target na minahin, gayundin ang mga erya na pagtatayuan ng mga gusali at pasilidad. Mawawalan ng tirahan ang natitirang ligaw na hayop sa lugar, at tiyak na bababa ang populasyon nito. Di bababa sa tatlong permit na ang iginawad ng DENR sa kumpanya para magputol ng libu-libong puno, na signipikate nang nagbawas ng kober sa lugar laban sa mga bagyo at ibang sakuna. Signipikante rin nitong babaguhin ang katangian at porma ng kabundukan.

4) Ang pagbubutas ng mga tunnel ay banta sa underground water sources sa lugar na maaring marumihan o malason, mabawasan, kundiman tuluyang mawala. Banta rin ang maruming at nakalalasong tubig na manggagaling sa TSF na maaring magkontamina sa mga ilog na naghahatid ng tubig sa Lake Mainit. Pipinsalain nito ang siklo ng buhay ng hinuhuling isda sa mga ilog at lawa, na pinagkukunan ng hanapbuhay ng maraming Surigaonon.

5) Dagdag sa polusyon sa tubig, magdudulot ang minahan ng matinding polusyon sa hangin, tulad ng napakakapal na alikabok.

6) Magdudulot ito, kundiman nagdulot na, ng malawakang dislokasyon ng mga magsasaka at Lumad. Ang mga komunidad dito ay kabilang sa pinakamahihirap sa buong bansa. Sa karanasan sa ibang bahagi sa Caraga na inaagaw na ng malakihang mina, lalupang nalulubog sa kahirapan ang mga residente sa lugar.

Noong 2020, may 58,949 ang naninirahan sa Placer, Tubod at Sison pa lamang. Ang kaya lamang iempleyo ng Philex sa minahan dito ay 2,500, at hanggang 8,000 para sa mga temporaryo, kontraktwal at pansuportang trabaho. Sa kasalukuyan, mayroon lamang mahigit 200 empleyado ang kumpanya.

Kasaysayan ng paglaban

Noong Agosto 31, 2013, sinunog ng mga Pulang mandirigma ng BHB-Surigao del Norte ang survey equipment, generator at iba pang gamit pangmina ng SMMCI sa Barangay Febra, Mainit. Tinayang nagkahalaga ang lahat ng gamit ng ₱1.14 milyon. Sinamsam din ng BHB ang dalawang shotgun ng mga gwardya ng kumpanya.

Sa Araw ng Kababaihan noong taong iyon, nagprotesta ang mga kababaihang magsasaka sa harap ng upisina ng SMMCI sa Timamana, Tubod para tutulan ang pagbubukas ng mina (na noo’y target sa 2013), dahil tatamaan nito ang kanilang mga palayan at pinagkukunan ng tubig. Batid ng mga magsasaka, na tulad ng katabi nitong minang Kalayaan, magreresulta ang pagmimina SMMCI ng siltation o pagbabanlik ng ilog, kasalatan ng tubig at pagkain.

Noong 2018, kinundena at pinananagot ng simbahang Katolika sa Caraga ang Philex at SMMCI matapos binaha ang mga bayan sa hangganan ng Agusan at Surigao del Norte dahil sa pagbara ng mga ilog dulot itinapong basura ng minahan nito sa lugar.

AB: Mapangwasak na pagmimina sa Surigao del Norte, minamadaling simulan ng Philex