Balita

Matatanda at may sakit na mga aktibista at organisador ng magsasaka, inaresto sa Bulacan

, ,

Limang aktibista at organisador ng mga magsasaka — apat ay matatanda na at isang maysakit — ang sabay-sabay na inaresto ng mga pulis at sundalo noong madaling araw ng Nobyembre 16. Ang pananalakay at pagtatanim ng ebidensya sa tinutuluyan nilang mga bahay ay hindi kaiba sa manera ng iligal na pang-aaresto at pagsasampa ng gawa-gawang mga kaso laban sa mga aktibista sa Southern Tagalog, Metro Manila, Negros at iba pa.

Inaresto sa reyd sina Irene Agcaoili, 69, miyembro ng DAGAMI San Mariano, Isabela at Estelita Alamansa, 70, miyembro ng SARANAY Isabela Community Women Health sa tinutuluyang bahay sa Borland Subdivision, Barangay San. Vicente.

Kasabay nito, pinasok din ang bahay nina Arcadio Tangonan, 68, isang organic advocate, Lourdes Bulan, 70, myembro ng SARANAY Isabela Community Women Health, at Roy dela Cruz, 36, organisador ng Bayan Muna-Echague sa inuupahang bahay sa Selera Homes, Barangay San Vicente. Ayon sa ulat, 15-20 nakasabilyang tauhan ng mga pulis at sundalo ang sumalakay sa bahay.

Dalawa lamang sa lima (sina Bulan at Agcaoili) ang pinakitaan ng mandamyento de aresto. Pinalalabas ng mga pulis at sundalo na nakakuha sila ng mga armas, pampasabog at “subersibong” dokumento sa mga bahay. Tinuturo ang mga abono at fertilizer na ginagamit daw nila ito upang gumawa ng mga eksplosibo. Dinala sila sa Criminal Investigation and Detection Group, Camp Crame sa Quezon City.

Mayroong sakit na high blood si Tangonan. Hindi makalakad ng maayos si dela Cruz dahil sa dinanas niyang stroke. Si Almansa ay may pilay din ang paa at nakasaklay.

Liban pa sa mga itinanim na armas at eksplosibo, nagpakana ang mga pulis at militar na mayroong nakuhang mga babasahin at tarpulin para sa eleksyon ng Gabriela Women’s Party (GWP) at Bayan Muna sa dalawang bahay. Mahigpit itong kinundena ng dalawang partido at sinabing bahagi ito ng pakanang ‘red-tagging’ ng rehimeng Duterte.

“Ang mga gimik na ito, habang hindi na bago, ay nagsasapanganib sa buhay at kaligtasan ng aming mga kasapi,” ayon sa GWP.

AB: Matatanda at may sakit na mga aktibista at organisador ng magsasaka, inaresto sa Bulacan