Balita

May-ari ng isang tindahan sa Mountain Province, kinasuhan ng "terrorism financing"

,

Kinundena ng Innabuyog at Binnadang Amianan ang pagsasampa ng kasong “terrorism financing” sa katutubong maliit na negosyante na si Marcylyn Pilala, residente ng Barangay Gueday, Besao, Mountain Province. Si Pilala at ang kanyang tindahan ay inaakusahang pinagmumulan ng pagkain, mga gamot at iba pang produkto para sa Bagong Hukbong Bayan (BHB).

“Ang walang katotohanang paratang na ito ay halimbawa ng mapanganib na kalakaran kung saan ang mga batas…ay ginagamit laban sa inosenteng mga sibilyan,” ayon sa pinagsanib na pahayag ng dalawang grupo. Ang Innabuyog ay alyansa ng mga organisasyon ng kababaihan sa Cordillera habang ang Binnadang Amianan ay samahan ng mga indibidwal at organisasyon sa Metro Manila na sumusuporta sa pakikibaka ng mga aping sektor ng Northern Luzon.

Ang reklamo laban kay Pilala ay ibinatay ng estado sa mga testimonya ng mag-asawang nagngangalang Victor Baltazar (aka Omar) at Karen Baltazar (aka Iris) na nagpapakilalang mga dating kasapi ng BHB. Ayon sa kanila, ang tindahan ni Pilila ay pinagkukunan ng rekurso ng hukbong bayan.

Si Pilala ay dating kahaliling guro sa pampublikong paaralan, isang magsasaka at may-ari ng isang maliit na tindahan. “Ang kanyang maliit na sari-sari store, isang karaniwang pinagkukunan ng kabuhayan sa kanayunan, ay binaluktot bilang “ebidensya” ng terrorism financing,” ayon sa Innabuyog at Binnadang Amianan. Anila, ang pagkakaroon ng disenteng kabuhayan ay pinalalabas na ngayong isang krimen.

Isa si Pilala sa mga residenteng tumutol sa itatayong pasilidad para sa wind energy sa kanilang lupang ninuno. Nagsilbi rin siyang tagapangulo ng Mountain Province Youth Alliance sa kanyang kabataan.

Hindi ito ang unang pagkakataon na ginamit ang Terrorism Financing Prevention and Suppression Act (TFPSA) of 2012 para magsampa ng mga kaso laban sa mga aktibista, progresibo at karaniwang mamamayan. Ayon sa Karapatan, higit 100 mga katulad na kaso na ang isinampa ng rehimeng Marcos.

Nakabalangkas ang panggigipit na ito sa National Security Plan 2023-2028 at National Anti-Money Laundering, Counter-Terrorism Financing and Counter-Proliferation Financing Strategy (NACS) 2023-2027. Nabuo ang NACS alinsunod sa inilabas ni Marcos na kautusang ehekutibo (EO 33) noong Hulyo 4, 2023.

“Ang mga batas tulad ng Anti-Terrorism Law at TFPSA na ginagamit bilang kasangkapan ng pang-aapi ay dapat ibasura,” pahayag ng Innabuyog at Binnadang Amianan. Anila, dapat magkaisa para sa mga kapatid nilang biktima ng panunupil ng mga batas na ito.

AB: May-ari ng isang tindahan sa Mountain Province, kinasuhan ng "terrorism financing"