Balita

Mga aktibistang ginawaran ng writ of amparo at habeas data, nagpasalamat sa kanilang mga tagasuporta

, ,

Lubos na nagpasalamat sina Jonila Castro at Jhed Tamano sa lahat ng sumuporta sa kanila at aktibong nagkampanya para sa writ of amparo at habeas data na nagtulak sa Korte Suprema na igawad ito sa kanila. “Malaking pag-abante ito sa katuparan ng hiling na proteksyon at pagbibigay ng impormasyong hawak ng gubyerno patungkol sa amin,” ayon sa pinag-isang pahayag ng dalawa.

Sina Castro at Tamano ay dinukot ng mga sundalo noong Setyembre 2, 2023 at lihim na ikinulong sa loob ng dalawang linggo. Sa press conference kung saan ipipresinta sana sila ng AFP at NTF-Elcac bilang mga “sumuko” na Pulang mandirigma, matapang nilang ibinunyag ang pagdukot, pagtortyur at pagbabanta sa kanila. Bagamat ibinasura ng Department of Justice ang isinampang kasong perjury laban sa kanila ng 70th IB, inirekomenda naman ng kagawaran na sampahan sila ng paninira sa AFP.

“Marapat lang na nagkaroon ng usad ang petisyon, dahil sa loob ng apat na buwan na paghihintay ay nagpatuloy ang banta sa aming buhay,” ayon sa dalawa. Ang sarbeylans at malinaw na intimidasyon sa kanila ng mga ahente ng estado ay nagiging balakid sa kanilang mga ipinaglalaban. Parehong aktibista si Tamano at Castro na lumalaban sa mapanirang mga proyektong reklamasyon.

Dagdag sa pagkilala sa nagpapatuloy na banta sa kanilang buhay, kinalala rin ng korte ang kanilang kaso bilang kaso ng sapilitang pagwala ng mga ahente ng estado.

“(T)aliwas (ito) sa tugon ng Department of Justice sa kasong Perjury at Grave Oral Defamation. Katulad ng dapat na ginagawa ng anumang sangay ng gubyerno, pinansin at pinakinggan din ng Korte Suprema ang iba-ibang grupo at mga indibidwal na naging aktibo sa pagpapaingay sa totoong nangyari, taliwas sa kasinungalingang ikinakalat ng NTF-ELCAC, AFP, at iba pang ahensya,” anang dalawa.

Temporaryo na “protection order” ang iginawad ng korte, at nakasalang pa sa Court of Appeals ang petisyon para sa Permanent Protection Order at Production Order.

“Repleksyon lamang ang aming kaso sa marami pang tanggol-kalikasan at mamamayan na inaatake dahil sa paglaban para sa karapatan at kalikasan,” anila. Panawagan nila na itigil ang lahat ng porma ng atake sa mamamayan at pakinggan ang karaingan para sa kabuhayan at karapatan.

Alinsunod sa kautusan, ipinagbabawal ng batas na lumapit ang lahat ng pinangalangan sa petisyon, at lahat ng mga entidad na maaari nitong pakilusin o utusan, nang hanggang isang kilometro sa mga naghapag ng petisyon, kanilang mga tahanan, eskwelahan, trabaho o saanmang kasalukuyang lokasyon, gayundin sa kanilang mga kalapit na pamilya.

Samantala, alinsunod sa ibinigay na writ habeas data, may karapatan sina Casto at Tamano na i-akses at burahin ang mga personal na datos na nilikom ng estado kaugnay sa kanila para pangalagaan ang kanilang seguridad at karapatan sa pribasiya.

AB: Mga aktibistang ginawaran ng writ of amparo at habeas data, nagpasalamat sa kanilang mga tagasuporta