Mga drayber ng bus, nagprotesta sa upisina ng LTO
Nagprotesta sa upisina ng Land Transportation Office (LTO) sa Quezon City noong Disyembre 18 ang mga drayber ng bus mula sa iba’t ibang kumpanya upang tutulan ang hindi makatarungang Demerit Points System ng ahensya na ipinatupad noon pang 2019. Pinangunahan ang pagkilos ng Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers (Manibela).
Nagpataw ang naturang sistema, na bahagi ng Republic Act 10930, ng doble-dobleng “demerit points” para sa mga drayber ng pampumblikong sasakyan kumpara sa pribadong mga sasakyan. Sang-ayon dito, kapag nagkamit ang isang drayber ng 40 “demerit points” dulot ng mga “paglabag” sa batas trapiko, ipagkakait ang kanyang lisensya sa loob ng dalawang taon.
Ayon sa Manibela, libu-libong mga drayber at manggagawa ng bus ang napeperwisyo at nanganganganib mawalan ng kabuhayan dulot ng ganitong di-makatarungang patakaran. Ang arbitraryong pagkumpiska sa kanilang lisensya ay katumbas ng pagkawala ng kanilang trabaho. Lalo itong tumindi sa nakaraang mga buwan nang nakipagsabwatan ang mga lokal na gubyerno at coast guard sa pagpapatupad ng patakaran at panghuhuli sa mga drayber.
Anang grupo, ang magulong sistema ng transportasyon mismo ang salarin kung bakit “nalalabag” ng mga drayber ang mga patakaran sa trapiko. Kabilang dito ang walang maayos na sakayan at babaan na dapat itinatakda ng Metro Manila Development Authority at mga lokal na gubyerno.
Binatikos din ng Manibela ang pahirap na sistemang komisyon at boundary na nagtatakda ng kanilang kita batay sa dami ng pasahero na kanilang naisasakay. Bagaman hindi ito direktang pananagutan ng LTO, limitado at halos wala itong suporta sa mga drayber. Pinababayaan umano nitong kumamal ng napakalaking kita ang mga pribadong kumpanya habang katiting ang sahod at kita ng mga maliliit na drayber para sa 15-20 na oras pagtatrabaho.
Kamakailan, napagtagumpayan ng grupo ang pagpapatigil sa paglalabas ng “show cause order” ng LTO laban sa libu-libong drayber ng pampublikong bus.