Mga estudyante, magulang, at guro, inetsapwera ng DepEd sa pagrebyu ng K-12

Umalma ang Kabataan Partylist sa anunsyo ng Department of Education (DepEd) na ilalabas na ito ang ulat kaugnay ng isinasagawa nitong pagrerebyu sa programang K-12 sa darating na Enero 30.

Anang grupo, hindi “inclusive” at hindi batay sa syensya ang proseso ng pagrerebyu ng DepEd sa K-12 dahil hindi nagsagawa ng malawakang konsultasyon ang ahensya sa hanay ng mga estudyante at mga magulang na apektado ng pagpapatupad ng naturang programa.

Sinimulang ipatupad ang K-12 noong 2013 sa ilalim ng rehimeng Aquino II. Dinagdagan nito ng dalawang taon ang edukasyon sa elementarya at hayskul. Dati nang ipinanawagan ng mga grupong kabataan ang pagpapatigil sa naturang programa na anila’y anti-mahirap at maka-dayuhan.

Sa isang pahayag ng League of Filipino Students noong 2018, sinabi nitong “Ang yabang-yabang pa nina Aquino’t Luistro noon na maganda daw ang K-12. Kahit sina Duterte’t Briones ay nagsasabing maganda ang idudulot ng K-12 kaya ipinagpatuloy nila. Niloko’t pinagkakitaan lang ang mga estudyante’t magulang ng gubyerno’t mga kapitalista-edukador.”

Sa ilalim ng panunungkulan ni Sara Duterte bilang kalihim ng DepEd, ipinagpapatuloy lamang ang bulok na legasiya ng K-12. “Maraming kabataan at magulang ang pinaasa, pinahirapan, pinag-eksperimentuhan at pinagkakitaan sa ilalim ng K-12. Kailangan pakinggan ng DepEd ang totoong mga karanasan nila…upang matukoy ang mas makabuluhang mga solusyon,” giit ni Kabataan Partylist Representative Raoul Manuel.

Ayon pa sa Kabataan Partylist, “…hindi lang usapin ng curriculum ang problema kundi ang buong oryentasyon ng patakaran na inuuna ang paghabol sa international standards nang walang tiyak na pagpaunlad sa kalidad ng edukasyon, na ngayon ay pinasahol pa ng krisis sa pandemya. Di nakikinabang ang kabataan.”

Palpak at walang silbi ang programang K-12, ayon sa mga grupo ng kabataan. Noong 2018 ay nasiwalat sa inilabas na sarbey ng Philippine Business for Education (PBEd) na 4 sa bawat 5 kumpanya ang hindi bukas na tumanggap ng mga gradweyt lamang ng senior high school. Ganito rin ang pananaw ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) na nagsabing hindi “work-ready” o “employable” ang mga gradweyt ng senior highschool.

Dati na ring binatikos ng Alliance of Concerned Teachers ang programang K-12 at ang proseso ng “pagrerebyu” ng DepEd sa programa. Ayon sa ACT noong Nobyembre 2022, “mas magiging produktibo kung pag-iisipan at iaangkop ang buong kurikulum batay sa isang obhetibong pag-aaral ng pangkalahatang antas ng proficiency ng mga mag-aaral, imbes na bastang abutin ang problemadong set ng competencies (mga pamantayan) ng K-12.”

“Wag sana nating hayaang di matuto ang kabataan dahil di natututo ang gobyerno. Huwag dapat mamuno na parang diktador si DepEd Sec. Duterte sa pagpataw ng bagong curriculum nang walang tapat at sapat na konsultasyon sa masa,” pahayag pa ni Manuel.

Anang mga grupo, dapat kagyat na pagtuunan ng pansin ang independyenteng rebyu sa programang K-12 at paglaanan ng sapat na pondo ang sektor ng edukasyon para sa mga klasrum, kagamitan sa eskwela at iba pa.

AB: Mga estudyante, magulang, at guro, inetsapwera ng DepEd sa pagrebyu ng K-12