Balita

Mga grupo, galit sa panunumbalik ng open-pit mining sa South Cotabato

,

Noong Mayo 16, bomoto pabor sa pag-aalis ng pagbabawal sa open-pit na pagmimina ang Sangguniang Panlalawigan sa South Cotabato. Ito ay matapos ng mahabang pakitang-tao na mga konsultasyon bago ang eleksyon kung saan kunwa’y pinakinggan nila ang mamamayang tutol rito.

Dahil sa pagtanggal, muling makapag-oopereyt ang mapaminsalang kumpanyang mina na Tampakan copper-gold mine project na ipinasara noong 2010 ng lokal na pamahalaan ng South Cotabato. Pangunahing hawak ito ng multinasyunal na kumpanyang Saggitarius Mines Incorporated ang proyekto.

Katwiran ng lokal na pamahalaan, kikita ang lalawigan ng $5.9 bilyon o tinatayang ₱295 bilyon kapalit ng 375,000 toneladang tanso at 360,000 oz ng ginto.

Tinuligsa ang pagdadahilang ito ng mga grupong pangkalikasan at residente sa lugar na malaon nang tumututol sa operasyon.

Ayon sa isang residente, ang kikitain umano ng katutubo sa operasyon ay hindi sasapat para bayaran hindi lang ang pagpatay sa kalikasan kundi pati na ang pagwasak sa kultura ng mga katutubong B’laan at Manobo sa erya.

“Nakapanlulumo at isang trahedya,” ganito naman inilarawan ni Bishop Cerilo Casicas ng Diocese of Marbel ang desisyon ng Sangguniang Panlalawigan ng South Cotabato. Aniya, ang kinabukasan ng prubinsya ay kanilang pinagpasyasahan sa loob lamang ng 15 minuto.

Kinastigo rin nila ang pagratsada ng mga kasapi ng SP sa desisyon. Kabilang sa nagdesisyon sina Board Member Hilario de Pedro VI, prinsipal na awtor ng pagtanggal ng ban sa pagmimina, Edgar Sambog, Dardanilo Dar, Noel Escobillo, Antonio Fungan, Eamon Gabriel Mati, Henry Ladot, Rolando Malabuyoc, Alyssa Marie Fale at Rose Grace Achurra.

Tatlong board member ang hindi nakadalo sa sesyon.

Nanawagan naman ang grupong Kalikasan People’s Network for the Environment sa gubyerno na itakwil ang mga inamyenda sa environmental code ng prubinsya. Ani Leon Dulce, sisirain ng mina ang watershed sa lugar na nagbibigay buhay sa mga likas na yaman sa lugar. Sisirain nito ang ekosistema ng Altayan-Taplan River na nasa Quezon Mountain Range. Sa pagtanggal ng ban at pagpapahintulot ng mga operasyon ng SMI, ibubukas na rin ang mas malawak na erya ng Daguma Mountain Range sa mga operasyong mina.

Samantala, matapos ianunsyo na magpapatuloy ang konstruksyon ng Kaliwa Dam sa darating na Hunyo, nakatanggap ng ulat mula sa Sierra Madre mountain range ng pagpapasabog ng bomba ng kumpanyang Chinese sa lugar noong Mayo 15. Mahigit 13 taon nang nilalabanan ng mga Dumagat-Remontado ang proyektong dam sa kanilang lupang ninuno. Magpapalayas ito sa 5,000 katutubo na naninirahan sa kabundukan at wawasak sa kalikasan.

AB: Mga grupo, galit sa panunumbalik ng open-pit mining sa South Cotabato