Balita

Mga grupong relihiyoso at kabataan, muling nagrali kontra pagmimina sa Eastern Samar

,

Mahigit isanlibong mamamayan ang nagsama-sama noong Enero 20 sa Immaculate Conception Parish Church sa bayan ng Guiuan para ipamalas ang kanilang pagtutol sa mapanirang pagmimina sa buong isla ng Samar. Ang aktibidad na tinawag bilang “Island Wide Jericho Prayer Assembly” ay pinangunahan ng Save Homonhon Movement, at mga grupo at diyosesis ng simbahang Katoliko sa buong isla.

Panawagan ng mga nakiisa sa pagkilos na itigil ang mapanirang pagmimina sa mga isla ng Homonhon at Manicani sa Guiuan, at maging sa iba pang bahagi ng isla. Kasalukuyang nag-ooperasyon ang apat na kumpanyang mina para kumuha ng nickel at chromite sa isla ng Homonhon.

Nag-umpisang magmina ang mga kumpanyang Techiron Resources Inc, Emir Mineral Resources Corp, King Resources Mining Corp, at Global Min-met Resources Inc noong maagang bahagi ng 2015.

Ang kumpanyang Techiron, na nagmimina sa 1,500-ektaryang kalupaan sa isla, ay isa sa mga kumpanyang ipinasara ni dating Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Gina Lopez noong 2017. Muli itong nagbukas noong 2020 matapos bawiin ang suspensyon.

Sa tala ng gubyerno, ang apat na kumpanyang ito ay nakapagmina ng 605,176 metriko tonelada (MT) ng nickel ore at 19,105 MT ng chromite sa isla noong 2021 lamang. Sa ulat mismo ng Department of Environment and Natural Resources Forestry Management Bureau, halos 1,000 ektaryang kagubatan mula 1990 hanggang 2021 ang kinalbo dahil sa mga operasyong pagmimina sa isla.

Dumalo at nakiisa sa pagkilos ang ilang mga kinatawan ng Diocese of Borongan (Eastern Samar), Diocese of Calbayog (Western Samar) at Diocese of Catarman (Northern Samar.) Ito na ang ikalawang pagkilos na inilunsad ng mga grupo para ipahinto ang mapanirang pagmimina sa buong isla.

Unang nagsama-sama at nagmartsa ang humigit-kumulang 2,000 residente mula sa iba’t ibang prubinsya ng Samar noong Agosto 7, 2023 sa sentro ng Borongan City, Eastern Samar. Nagmartsa sila noon mula sa kapitolyo ng syudad tungo sa simbahan.

AB: Mga grupong relihiyoso at kabataan, muling nagrali kontra pagmimina sa Eastern Samar