Mga isinampang kaso at batas kaugnay sa terrorismo at terrorist financing, ipinababasura

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagtungo sa Department of Justice ang mga kasapi ng mga myembrong organisasyon ng Bagong Alyansang Makabayan kanina para igiit ang pag-atras sa lahat ng mga kasong terorismo at pagpopondo ng terorismo na isinampa ng kagawaran laban sa mga aktibista, tagapagtanggol ng karapatang-tao, mga konsultant sa usapang pangkapayapaan at mga upisyal at myembro ng rebolusyonaryong kilusan. Ngayong araw, Hulyo 3, ang ikaapat na taong anibersaryo ng pagpasa ng pasistang Anti-Terrorism Act (ATA).

“Ipinakita sa nakaraang apat na taon na ginagamit lamang ang Anti-Terrorism Act (ATA) at Terrorism Financing Prevention and Suppression Act para siraan (vilify) at ikriminalisa ang aktibismo at atakehin ang pampulitikang pagtutol. Dapat itong kagyat na pigilan,” ayon kay Raymond Palatino, pangkalahatang kalihim ng Bayan.

Sa press conference ng mga grupo ng karapatang-tao kahapon, isiniwalat ng Karapatan na hindi bababa sa 112 ang kinasuhan ng DoJ ng kasong “terrorism financing,” kabilang ang 59 na manggagawang pangkaunlaran. Hindi bababa sa 21 non-government organization ang sinampahan ng katulad na mga kaso. Sa mga kinasuhan, 32 ang kasalukuyang nakakulong.

“Sa ilalim ng batas na ito, ang akusado ay maysala hanggang mapatunayang inosente,” ayon kay Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng grupo.

Ilan sa kinasuhan ng paglabag sa ATA ang pangkalahatang kalihim ng Bayan Muna na si Nathanael Santiago, dating pangkalahatang kalihim ng Anakpawis na si Servillano Luna Jr, manggagawang pangkaunlaran na si Rosario Gonzales, manggagawang simbahan na si Anselma San Gabriel at 29 iba pa sa isang korte sa Nueva Ecija.

Panawagan ng mga organisasyon ang pagbabasura ng dalawang batas. Kabilang sa mga nananawagan ang Sandugo Alliance, na may anim na myembrong taga-Cordillera na inakusahang terorista ng Anti-Terror Council noong nakaraang taon.

Biktima rin ng ATA ang mga manggagawang pangkalusugan. Noong Pebrero 2022, inaresto at ikinulong si Dr. Natividad Castro matapos arbitraryo at walang basehan siyang tagurian na “terorista” ng Anti-Terrorism Council. Ibinasura ang kasong kidnapping at serious illegal detention na isinampa sa kanya ng DoJ noong Marso 25, 2022, at nakalaya lamang siya limang araw pagkatapos. Gayunpaman, binawi ng korte ang hatol at ipinag-utos ang muling pag-aaresto sa kanya.

AB: Mga isinampang kaso at batas kaugnay sa terrorismo at terrorist financing, ipinababasura