Balita

Mga kasapi ng NUPL, binigyang parangal ng IBP

Tumanggap ang tatlong kasapi ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) ng parangal mula sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) sa kauna-unahang IBP Human Rights Award nito noong Disyembre 5 na ginanap sa Ortigas Center. Ginawaran sila ng parangal dahil sa kanilang “walang maliw na pagsusulong ng adhikain ng karapatang-tao” ayon sa IBP Human Rights Committee.

Ipinagkaloob ng IBP ang parangal kina Atty. Edre Olalia (para sa Luzon), Atty. Kristian Jacob A. Lora (Visayas) at Atty. Antonio C. Azarcon (Mindanao). Ang tatlong abugado ay matapang na kumatawan sa korte sa mga biktima ng ekstra-hudisyal na pagpaslang, desaparesidos, at iba pang paglabag sa karapatang-tao ng estado sa nagdaang mga taon.

“Naway patuloy kayong maging instrumento ng hustisyang panlipunan at tagapagtambol ng tapang para ipagpatuloy ng lahat ang laban para sa pagsusulong ng karapatan at kagalingan ng mamamayan,” pahayag ng IBP. Ang mga parangal ay iginawad ng kilalang mga abugado kabilang si dating Associate Justice of the Supreme Court, Justice Antonio Carpio. Nasa pagtitipon rin si Senior Associate Justice Marvic Leonen, tagapangulo ng Judicial Committee on Human Rights ng Korte Suprema.

Si Atty. Olalia ay higit tatlong dekada nang nagbibigay ng ligal na representasyon sa mga kliyente mula sa mahihirap at inaaping sektor. Nag-umpisa ang kanyang pagiging abugado ng bayan noong 1995 sa pagtatanggol noon sa overseas Filipino Worker na si Flor Contemplacion na maling hinatulan sa Singapore. Siya rin ang nanguna sa pagpapakulong kay General Jovitor Palparan sa pagdukot sa mga aktibistang sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño. Nagsilbi rin siyang abugado ni Mary Jane Veloso na nasa bingit ng death row sa nakaraang mga dekada.

Kasalukuyang tagapangulo ng NUPL si Atty. Olalia at isa rin sa mga tagapagtipon ng International Association of Democratic Lawyers, isang pangaigdigang network na nagsusulong ng karapatang-tao, hustisya at kapayapaan sa mga bansa. “Ang mga kliyente natin ay matatapang at nararapat lamang magkaroon sila ng matatapang ring mga abugado,” pagsambit ni Atty. Olalia sa paninindigan ng NUPL.

Si Atty. Lora naman ay kabilang sa bago at nakababatang heneresyon ng mga abugado ng bayan. Nag-umpisa siya bilang aktibista sa University of the Philippines (UP)-Cebu at ngayon ay bahagi na ng Visayas Community Law Center (VCLC) na nagsisilbi sa mahihirap na mga komunidad ng Visayas. Kabilang sa mga naipanalong kaso ng abugado ang pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal na tinaguriang “Escalante 6” at “Himamaylan 3” at maging pagbasura ng kasong “terorismo” o paglabag sa Anti-Terrorism Act sa mga aktibista.

Si Atty. Azarcon ay tagapangulo ng Union of People’s Lawyers in Mindanao (UPLM) at katuwang na bise presidente ng NUPL. Halos limang dekada na siyang abugado sa Pilipinas at napakarami nang mga kasong nahawakan para sa pagtatanggol sa karapatang-tao. Naaresto si Atty. Azarcon noong 1983 dahil sa kanyang gampanin sa Coalition for the Restoration of Democracy. Matapang siyang lumaban noon sa diktadurang US-Marcos at nagpatuloy na ipaglaban ang karaniwang mamamayan.

Pinagpugayan ng NUPL ang tatlong kasapi nito. “Ang inyong gawain ay makapangyarihang patunay sa kung ano ang kayang maabot sa pagsusulong ng hustisya para sa paglilingkod sa mamamayan,” pahayag ng organisasyon. Umaasa ang NUPL na magsilbing inspirasyon sa marami pang mga abugado ang dedikasyon ng tatlo para mas marami pa ang tumangan sa landas ng pagtatanggol sa mga mahihirap at inaaping mamamayan at pagtataguyod ng hustisya.

Pagdidiin pa ng grupo, ang karangalang ito para sa kanilang mga kasapi ay nagtatampok sa kritikal na tungkulin ng pag-aabugado para sa karapatang-tao. “Pinagtitibay nito ang kritikal na gampanin ng mga abugado ng bayan sa pagtatanggol sa karapatan at kalayaan, paglaban sa impunity, at pagsusulong ng pagbabago sa sistema,” anito.

Ang IBP ay ang upisyal na pambansang organisasyn ng lahat ng mga abugadong Pilipino.

AB: Mga kasapi ng NUPL, binigyang parangal ng IBP