Balita

Mga kaso ng pampulitikang pamamaslang sa ilalim ni Duterte, isinampa sa United Nations

Isinampa ng mga pamilya ng mga biktima ng Bloody Sunday ang mga kaso ng pagpaslang ng kanilang mga mahal sa buhay sa United Nations Human Rights Committee (UNHRC) matapos bigo ang mga korte sa Pilipinas na bigyan sila ng hustisya. Tinaguriang Bloody Sunday ang koordinadong kampanya ng rehimeng Duterte kung saan siyam na aktibista ang pinaslang sa Southern Tagalog noong Marso 7, 2021.

Nagsampa ng kaso sa UNHRC sina Rosenda Lemita, ina ng pinaslang na akibistang si Ana Marie Lemita-Evangelista, at si Liezl Asuncion, asawa ng pinaslang na lider-unyon na si Manny Asuncion. Una na silang nagsampa ng kaso sa Department of Justice, pero ibinasura ang kanilang mga reklamo ng kagawaran at pinawalang-sala ang mga salarin matapos ang kunwa’y imbestigasyon.

“Ito ang ipinagmamayabang nilang “sistema ng hustisya’ sa bansa,” pagkundena ni Tinay Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan. “Ito yung nagtitiyak ng kawalang pakundangan ng mga nagsasagawa ng pamamaslang na iniutos ng estado at nagkakait ng hustisya sa mga biktima.”

Kasabay nito, nanawagan si VJ Topacio, sa Quad Committee sa Kongreso na isalang din sa imbestigasyon nito ang ekstra-hudisyal na pamamaslang ng rehimeng Duterte sa mga aktibista at rebolusyonaryo. Kasalukuyang dinidinig ng komite ang mga kaso ng pamamaslang ni Rodrigo Duterte at kanyang mga kasapakat sa ilalim ng huwad na gera kontra-droga.

Si Topacio ay anak ng pinaslang na mga konsultant ng National Democratic Front of the Philippines na sina Eugenia Magpantay at Agaton Topacio. Sina Magpantay at Topacio, parehong may edad na, ay pinatay ng mga pulis sa tinutuluyan nilang bahay sa Rizal noong Nobyembre 25, 2020.

Ayon kay Topacio, ang mga salarin sa huwad na gera kontra-droga ay sila ring mga salarin sa pampulitikang pamamaslang. Kabilang dito sina Debold Sinas, Lito Patay at Romeo Caramat, mga upisyal ng pulis na nakasalang ngayon sa imbestigasyon.

AB: Mga kaso ng pampulitikang pamamaslang sa ilalim ni Duterte, isinampa sa United Nations