Mga krimen ng 12th IB sa huling kwarto ng taon, isiniwalat
Isiniwalat ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Central Panay (Jose Percival Estocada Jr Command) sa isang pahayag kamakailan ang dalawang kaso ng paglabag sa internasyunal na makataong batas ng mga yunit ng 12th IB sa kaso ng pagpaslang sa dalawang Pulang mandirigma. Ang mga kasong ito ay naganap sa huling kwarto ng 2024, ilang buwan matapos ang pagdakip, pagtortyur at sadyang pagpaslang sa mga Martir ng Agosto ng Panay na kinabibilangan ng mga lider rebolusyonaryong na sina Vicente Hinojales, Concha Araneta-Bocala, at Aurelio Bosque.
Noong Oktubre 31, buhay na nadakip ng 12th IB si Alvin Panoy (Ka Benmar) sa naganap na engkwentro sa Sityo Hilwan, Barangay Manika, Libacao, Aklan. Ayon sa yunit ng BHB na kinabilangan ni Ka Benmar, narinig pa nila ang sigaw niya at maging ang atas ng kumander ng yunit ng 12th IB sa mga tauhan nito na itali siya. Sumigaw pa ang kumander sa mga Pulang mandirigma na bawiin sa kanila ang kasama.
Kasunod nito, sumigaw ang mga sundalo ng “advance happy new year” at nagpakawala ng sunud-sunod na putok ng baril. Rinig ng mga mandirigma ang sigaw ng kumander ng yunit ng 12th IB na nanghamong bawiin ng BHB ang bangkay ng Pulang mandirigma mula sa kanila.
“Paglabag ito sa karapatan ng isang hors de combat o wala nang kakayahang lumaban na nakasasd sa mga protokol ng digma at Geneva Conventions,” ayon sa BHB-Central Panay. Samantala, inilinaw ng yunit na walang engkwentro noong Nobyembre 1 taliwas sa sinasabi ng 12th IB.
Noong Disyembre 10, internasyunal na araw ng karapatang-tao, tinadtad ng bala ng 12th IB ang bangkay ni Jyrel Katipunan (Ka Jason) na napatay sa isang engkwentro noong Disyembre 9 sa Barangay Tacayan, Tapaz, Capiz. Ayon sa BHB, isang tama lamang ng bala sa katawan ang natamo ni Ka Jason na kaagad niyang ikinamatay. Inihimlay nila ang bangkay sa isang liblib na lugar, upang ipakuha sa kanyang mga kaanak.
Subalit natuklasan ito ng mga pasistang sundalo noong sumunod na araw. Pinalabas ng mga sundalo na isang panibagong engkwentro ang nangyari sa araw na iyon.”Walang pagrespeto sa patay ang ginawang ito ng militar,” ayon sa BHB-Central Panay.
Samantala, isang sibilyan ang pinigilan ng mga sundalo na makalabas sa kanyang bahay sa Barangay Tacayan bago ang naganap na engkwentro noong Disyembre 9.
Iniulat ng BHB-Central Panay ang marami pang mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao sa Central Panay mula Enero hanggang Nobyembre. Naitala nito ang mga kaso ng pagsakop at pagbabase ng 12th IB sa sentro ng komunidad, pampublikong istruktura, blokeyo sa pagkain at ekonomya gamit ang mga tsekpoynt, pagpigil sa kanilang pagtatanim sa sakahan, pagkumpiska sa mga personal na kagamitan ng mga residente, sapilitang pagpapasuko at iba pa.
“Sa sobrang desperasyon ng Armed Forces of the Philippines na durugin ang BHB at rebolusyonaryong kilusan sa Panay, walang kapantay ang kanilang paglabag sa karapatang-tao,” ayon pa sa hukbong bayan.