Mga lider-kabataan sa Cavite at Negros Occidental, ginigipit ng AFP

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Kinundena ng mga grupo ng kabataan at tagapagtanggol ng karapatang-tao sa Cavite at Negros Occidental ang pangggipit at pagmamanman ng mga pwersa ng estado sa dalawang lider-kabataan sa naturang mga prubinsya. Ang dalawa ay walang-batayang pinararatangang may kaugnayan sa armadong rebolusyonaryong kilusan.

Sa ulat ng Karapatan-Cavite, pinuntahan ng mga ahente ng National Task Force (NTF)-Elcac ang bahay ni Paolo Tarra, estudyante sa De la Salle University-Dasmariñas (DLSU-D) at tagapagtanggol ng karapatang-tao sa prubinsya, noong Mayo 3 sa Trece Martires City. “Kinausap” ng mga ahente ng NTF-Elcac ang mga magulang ni Tarra at ipinakita sa kanila ang mga larawan ni Tarra habang lumalahok sa mga pagkilos.

Namilit din ang mga ahenteng militar na kausapin nang personal si Tarra sa pagdadahilang nangangamba silang “mamundok” ang lider-estudyante. Nagbabala pa ang mga ito na muli nilang babalikan ang pamilya para muli silang kausapin at papipirmahin ng ilang dokumento.

Una nang hinaras at tinakot ang pamilyang Tarra noong Pebrero nang pumunta ang mga ahenteng militar na nagpakilala bilang mga “reservist.” Ayon pa sa ulat, pilit inaalam ng mga ito sa mga magulang ni Tarra ang kanyang personal na impormasyon at mga dokumentong pribado tulad ng birth certificate, mga litrato, diploma at iba pa.

Si Tarra ay kasalukuyang koordineytor ng Coalition of Concerned Lasallians (CCL) sa DLSU-D. Isa siya sa mga nangunguna sa mga kampanyang para sa demokratikong karapatan at kagalingan ng mga estudyante sa unibersidad. “Sa murang edad ng 20 taon, mulat at aktibo siyang umaambag sa pagtataguyod ng karapatang-tao ng mamamayan ng Cavite at iba pang bahagi ng rehiyon ng Timog Katagalugan,” ayon sa Karapatan-Cavite.

Sa Negros Occidental, hinaras at tinakot din ng mga pwersa ng estado ang pamilya ni Florence Guzon, pangkalahatang kalihim ng Kabataan Partylist sa Negros Island, noong Abril 25 sa kanilang tinutuluyan sa Talisay City. Ayon sa mga ulat, iligal na nanghingi ng personal na impormasyon ang mga ahente ng estado mula sa kanyang ina. Inalam din nila ang kanyang kinaroonan at aktibidad.

“Dagdag pa, si Guzon ay nired-tag ng mga pwersa ng estado at pinalalabas na may kaugnayan sa Bagong Hukbong Bayan (BHB), isang akusasyon na parehong hindi totoo at walang-batayan,” pahayag ng Kabataan Partylist-Negros. Pumasok pa ang mga sundalo sa kwarto ni Guzon at hinalughog ang kanyang personal na mga gamit.

“Ang mga aksyong ito ng mga pwersa ng estado ay malinaw na paglabag sa mga karapatan pang-konstitusyon ni Guzon. Nagdulot na rin ito ng labis na pagkabahala, hindi lamang sa kanya, kundi maging sa kanyang pamilya,” ayon pa sa grupo.

Liban sa pamumuno sa Kabataan Partylist sa isla, si Guzon ay isa ring kilalang lider-estudyante at mamamahayag pangkampus sa Carlos Hilado Memorial State University.

Ang panggigipit, pananakot at Red-tagging sa dalawang lider-kabataan ay lantarang paglabag sa isang desisyon ng Korte Suprema noong Hulyo 4, 2023. Ayon sa desisyon na isinapubliko lamang noong Mayo 8, ang Red-tagging o ang malisyosong pag-ugnay sa mga sibilyan sa armadong kilusan, ay banta sa buhay, kalayaan at seguridad ng target na mga biktima. Ang desisyon ay kaakibat sa pinaburang petisyon para sa writ of amparo ni Siegfred Deduro, dating kinatawan ng Bayan Muna Party-list.

AB: Mga lider-kabataan sa Cavite at Negros Occidental, ginigipit ng AFP