Mga lider-katutubo sa Cagayan at kanilang pamilya, ginigipit ng estado

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Kinundena ng Karapatan-Cagayan Valley ang nagpapatuloy na panggigipit sa dalawang lider-katutubo at kanilang mga pamilya. Sa nagdaang mga linggo, “binisita” ng mga pwersa ng estado sina Mafel Macalanda at Lina Ladino sa kanilang mga bahay para pagbantaan silang aarestuhin. Si Macalanda ang panrehiyong tagapag-ugnay ng alyansa ng mga organisasyon ng katutubong mamamayan sa Cagayan Valley na Punganay. Si Ladino naman ay lider-katutubong magsasaka mula sa Sto. Niño, Cagayan.

Noong unang linggo ng Hunyo, dalawang tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang nagpunta sa bahay ni Macalanda sa Baguio City. Ayon sa mga tauhan ng CIDG, mayroong kasong nakasampa laban sa kanya dahil sa pakikisangkot diumano niya sa rebolusyonaryong armadong kilusan. “Matinding pag-aalala ang idinulot ng insidente sa mga kapamilya na nakausap nila,” ayon sa Karapatan-Cagayan Valley.

Dagdag dito, iniulat din ng grupo na pinagbantaan ng CIDG na aarestuhin ang dalawang kasamahan ni Macalanda na sina Agnes Mesina, panrehiyong tagapag-ugnay ng Koalisyong Makabayan at si James Paredes, upisyal ng Kabataan Party-list Cagayan Valley.

Noong Pebrero 2022, inaresto si Mesina ng mga pwersa ng estado sa Appari, Cagayan. Lumalahok siya noon sa isang community outreach at fact-finding mission. Ginamit laban kay Mesina ang isang mandamyento de aresto na may kasong murder na ibinasura na ng isang korte sa Tagum, Davao del Norte noon pang Hulyo 2021. Nakalaya rin siya noong panahong iyon.

Samantala, pinilit na kausapin ng tatlong ahenteng paniktik ng 5th ID si Ladino. Ni-redtag nila si Ladino at hinimok na “makipagtulungan” na lamang sa kanila kapalit ng pera. Nang pauwi na ang biktima sa kanilang baryo ay napansin niyang minamanmanan siya ng isang pulis. Mula pa Pebrero 2020 ay pilit nang “pinapasuko” ng mga kumander ng 5th ID si Ladino.

“Ang pagkausap ng mga pulis at militar sa mga kapamilya ng mga aktibistang lider-katutubo upang pilitin sila na tumigil at sumuko ay paglabag sa karapatan sa pagpapahayag at pag-oorganisa,” ayon sa Karapatan-Cagayan Valley.

AB: Mga lider-katutubo sa Cagayan at kanilang pamilya, ginigipit ng estado